Kapag lumaban ang api

bobby-ricohermoso

HINDI na nakagugulat ang patuloy na pagmamatigas ng Tsina hinggil sa isyu ng pakikipag-iringan nito sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea na tinatawag ding South China Sea.

Iniisip  kasi ng mga Intsik na mayaman, malaki at malakas ang bansa nila kaya magagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin lalo na sa maliliit na bansang kalapit nila,

Pagkatapos ang mapanghamong paglalagay sa mga e-passport nila ng mapa ng pinag-aagawang teritoryo ay nagpahayag naman sila na ha-harangin nila at aakyatin para inspeksyunin ang mga barkong magdaraan sa nasabing karagatan.

Maliwanag ang mensaheng gustong iparating ng Tsina na sila ang may karapatan sa nasabing pinag-aagawang karagatan at walang makaaagaw nito sa kanila.

Ito’y sa kabila ng katotohanan na hindi pa nareresolba ang territorial dispute nito sa iba pang claimant countries gaya ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia at iba pa.

At ang pinakahuling hakbang nito ay nagpapatunay rin na handa na silang sumabak sa anomang gulo.

Alam naman ng lahat na ang nasabing karagatan ay isang mahalagang trade route kung saan dumaraan ang mahigit 75 porsiyento ng mga pangkargamentong barko sa buong mundo.

At dahil sa hakbang na ito ng Tsina, nitong pinataas ang agam-agam sa panig ng mga claimant country na maaaring magbunga ng kaguluhan.

Hindi ko masisisi ang pamahalaang Aquino kung bakit hanggang ngayon ay pilit pa rin nitong nilulutas ang gusot sa mapayapa at diplomatikong pamamaraan. Subalit may hangganan ang lahat ng pagtitimpi.

Kapag ang karapatan at soberenya na ng bansa ang sinagasaan ng Tsina ay marapat lang na tumayo tayo at ipaglaban ang mga ito.

Kailangan natin na ipakitang kaya nating ipagtanggol ang ating soberenya, anoman ang maging kapalit nito.

Dahil kung hindi natin ito magagawa ay wala ng saysay pa na tawagin tayong isang malayang bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply