Kapalaran sa ibang larangan

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT

MINSAN may mga pagkakataon sa buhay na nakasusumpong tayo ng mas magandang kapalaran sa ibang larangan. Mga larangan na kung minsa’y hindi natin naisip na ating papasukin. Gaya na lamang ni Neil Maniquiz, isang registered nurse sa Pilipinas subalit nang mangibang bansa ay naging isang matagumpay na marketing executive.

Tubong Nueva Ecija si Neil. Nagtapos siya ng kursong nurse sa Good Samaritan College sa Cabanatuan. Halos dalawang taon rin siyang nanil-bihan bilang isang registered nurse sa mga pampublikong ospital sa Pilipinas, subalit nang minsang makarating sa Bangkok, kung saan ilang kamag-anak ang humikayat sa kanya upang subukang doon magtrabaho, nagdesisyon siyang lisanin ang ating bansa.

Hindi naging madali para kay Neil ang pagsisimula sa nasabing bansa. Sapagkat sa kabila ng pagiging isang rehistradong nurse sa Pilipinas, doon ay kinailangan pa niyang maipasa ang isang eksaminasyon na kung tawagin ay state board. “Dito po sa Thailand, kapag under medical field ka, you are not allowed to work unless nai-pass mo ‘yung state board nila which is written in Thai,” kwento niya.

Ang pangyayaring ito ang nagtulak kay Neil upang pag-aralan ang pagsasalita ng Thai sa kanyang sariling sikap.

Iba’t ibang kompanya ang napasukan niya roon, hanggang sa matanggap siya bilang marketing executive sa isa sa pinakamalaki at pinakamodernong ospital sa Pattaya, Thailand – ang Bangkok Pattaya Hospital. Sapagkat dayuhan sa bansang iyon, kinailangan ni Neil na makisamang mabuti at mag-adjust sa kultura ng mga Thai na kasamahan niya sa trabaho, isa iyon sa mga pagsubok na pinagdaanan niya, bukod pa sa pangungulila sa bansang pinanggalingan at pagiging bago sa larangang kanyang pinasok.

Dahil na rin sa nakitang dedikasyon at pagiging competitive niya sa trabaho, napagkatiwalaan si Neil upang pumunta sa iba’t ibang bansa sa buong mundo upang ipakilala ang ospital na pinagtatrabahuhan niya kabilang na ang mga serbisyong ibinibigay nito.

“Ang main responsibility ko is to bring patients from outside Thailand to have treatment here. Pumupunta po kami in many different parts of the world like Sweden, Germany, China, Singapore, Bangladesh and Middle East, gumagawa po kami ng mga road show. We have to organize some events para po bang PR activity. Marketing po in general,” salaysay niya.

Malayo man ang naging trabaho ni Neil sa larangan na una niyang pinasok, masasabi natin na malayo na rin ang narating niya sa kanyang trabaho sa kasalukuyan at, ayon sa kanya, ang lahat ng iyon ay bunga ng positibong pananaw at matiyagang pagsisikap upang umunlad.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply