Kapus-palad sa Marikina bibiyayaan ng aginaldo

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang lokal na pamahalaan ng Marikina ay mamimigay ng mga aginaldo sa ilang kabataang kapus-palad sa lungsod.

Ngayong nasa ikatlong taon, ang “Kalinga sa mga Bata Ngayong Pasko,” ay gaganapin sa Huwebes, ika-20 ng Disyembre sa ika-3 ng hapon sa Marikina Sports Park.

Ang aktibidad na ito ay naglalayong makapagbigay saya sa mga batang kapus-palad ngayong Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng simpleng laruan at pagkain.

May humigit-kumulang 800 mga bata mula sa 16 na barangay ng lungsod ng Marikina na makakatanggap ng mga gift pack na naglalaman ng mga laruan, damit, groceries at iba pa.
“Ang pasko ay para sa lahat, lalo na para sa mga bata. Sa kabila ng hirap sa buhay ng mga batang ito, nais natin silang mapasaya sa kahit sa payak na paraan,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Naghanda rin ang lokal na pamahalaan ng Marikina ng ilang inflatable rides at slides kung saan maaaring maglaro ang mga bata kasabay ng isang maikling programa. Dagdag pa rito, magkakaroon rin ng pa-raffle na may papremyo para sa mga dadalo.

Ang “Kalinga sa mga Bata Ngayong Pasko” ay proyekto ng lokal na pamahalaan ng Marikina, at Community Relations Office at sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development Office.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply