Karagdagang $100-M pondo sa CCT, binatikos ng mga maralita

BINIRA ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihira (Kadamay) ang $100 milyong  na karagdagang pondong ibinigay ng World Bank para sa Pantawid Pamilya Program o Conditional Cash Transfer (CCT) ng administrasyong Aquino.

Noong 2008, nauna ng naglabas ng $405 milyong ang World Bank para sa CCT.

Ngunit ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, ang karagdagang pondo ay pambawi lang umano ng World Bank sa mga patakarang winawasiwas nito sa bansa na nasa likod ng mga kontra-maralitang programa gaya ng pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at iba pang Public-Private Partnership projects.

Ayon sa Kadamay, itinakda umano ng isang 1993 World Bank Report na ‘Investing¬† in Health’ ang nakaambang pribatisasyon sa sektor pangkalusugan.

“Ang pagtalikod ng gubyerno sa paggastos at pamamahala ng higit sa 26 na pampublikong ospital at iba pang serbisyo ay bahagi ng Structural Adjustment Program (SAP) bilang kondisyon sa pagpapautang ng World Bank sa mga Third World countries gaya ng Pilipinas,” ani Arellano.

“At upang maiwasan ang nagbabadyang pag-aalsa ng masang anakpawis ng daigdig dahil sa sagad sa butong kahirapang epekto ng mga imperyalistang patakaran gaya ng pribatisasyon, itinutulak at pinpondohan ng World Bank at iba pang imperyalistang institusyon ang CCT,” dagdag ng lider.

“Ngunit hangga’t hindi lumilikha ang administrasyong Aquino ng disenting trabaho at naipapamahagi ang lupa sa bansa sa milyun-milyong maralitang Pilipino, habang nagpapatuloy ang pagtalikod ng gubyernong maglaan ng mga batayang serbisyo para sa mamamayan, hindi maiiwasan ang nagbabadyang pag-aalsa ng masang anakpawis sa malapit na hinaharap. Gaano man kalaki ang inilalaang pondo ng gubyerno para sa mga pantawid programa gaya ng CCT,” sabi ni Arellano.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply