Libreng Year-End Concert and Fireworks Display at mga pa-raffle handog ng Marikina

INAANYAYAHAN ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang lahat ng Marikenyo na makiisa at makisaya sa taunang libreng Year-End Concert and Fireworks Display ng lungsod sa ika-30 ng Disyembre simula ika-6 ng gabi sa Marikina Sports Park.

Magtatanghal sa nasabing konsyerto ang dalawa sa kinagigiliwang Eat Bulaga Dabarkads na sina Jose Manalo at Wally Bayola, ang bandang M.Y.M.P., at Raging Divas.

Bukod pa rito, itatanghal din ang labindalawang minutong pyromusical fireworks display na inihanda ng lungsod.

“Marami ang natuwa at nagandahan sa ating pyromusical fireworks display noong isang taon, kaya naman tinitiyak natin na mas engrande ang ating inihahanda para sa pagtatapos ng 2012. Ang konseryetong ito ay ating handog upang mapasaya ang mga Marikenyo at mahikayat na iwasan na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa 2013 at manood na lamang mga fireworks display na tulad nito,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Sa kalagitnaan ng programa ay mamimigay din ang lokal na pamahalaan ng 100 unit ng cellular phone bukod pa sa washing machine, 1.8 cubic ft. refrigerator, at 19-inch LED TV.

Ang raffle na ito ay bukas at maaaring lahukan sa mga residente lamang ng lungsod ng Marikina.

Kinakailangang magdala at maipakita ng mga mananalo ang kanilang valid ID bilang katunayan na sila ay taga-Marikina. Ang may 30,000 raffle ticket ay ipamimigay sa may 16 na barangay ng lungsod.

Dagdag pa rito, makakatanggap ng pito (whistle) na may kasamang maliit na flashlight at compass ang unang apat na libong residente na pupunta sa nasabing konsyerto.

Samantala,  bago ang mga raffle draw at pagtatanghal ng mga bisita ay  magbibigay ng  saya muna ang ilang local talents ng lungsod tulad ng Marikina Cultural Dancers at mga singing champion mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.

“Inaasahan natin ang may 60,000 katao ang makakasaksi at makikisaya sa ating inihandang mga pagtatanghal at papremyo ngayong taon. Nawa ay maging masaya at ligtas ang maging pagsalubong ng lahat sa taong 2013,” dagdag pa ni De Guzman.#

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply