Lihim na paglagda ni PNoy sa RH bill, binatikos ng CBCP

cbcp

TINULIGSA ng mga opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Pangulong Benigno Simeon Aquino III dahil sa pagsikreto nito sa paglagda sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill noong Disyembre 21.

Ayon kay CBCP–Episcopal Commission on Family and Life (ECFL) executive secretary Fr. Melvin Castro, nakalulungkot at nakagagalit ang ginawang pagsisikreto ng pamahalaan sa paglagda sa RH bill lalo na’t madalas nitong ipagmalaki na magiging ‘transparent’ sila sa lahat ng kanilang transaksiyon.
Iginiit pa ni Castro na tanging ang pangulo lamang ang nakakaalam kung bakit isinikreto nito ang paglagda sa RH bill.

Gayunman, naniniwala umano siya na ang naturang aksiyon ng pangulo ay nagpapakita lamang aniya na ang naturang batas ay hindi ‘meritorious’ o hindi karapat-dapat at hindi mahalaga.

“That the RH bill was signed into law in the cover of darkness and secrecy, only the President knows why,” ani Castro, sa isang maikling pahayag. “If such signing did not merit media and public attention, it only goes to show that such a law is not meritorious at all.”

Nauna rito, itinanggi muna ngunit malaunan ay kinumpirma ng Malacanang nitong Sabado na nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 o Republic Act 10354.

Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, naniniwala ang Palasyo na makabubuti para sa lahat na hindi agad ianunsiyo ang naturang signing dahil sa pagiging sensitibo ng isyu.

Sa kabila naman nang paglagda ni PNoy sa RH bill ay tiniyak ni Castro na hindi sila matitinag sa kanilang pagtutol sa naturang bagong batas.

“We can only lament that this was their gift to the Lord and to the Filipino people during the Christmas season… (but) the fight against the Culture of Death goes on,” ani Castro.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply