Magkakaibigang negosyante niratrat sa Pasay

PINAULANAN ng bala ng armadong kalalakihan ang grupo ng magkakaibigang negosyante na sakay ng isang van kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Himala namang walang nasawi sa apat na biktima, maliban sa mga tama ng bala sa kaliwang hita ni Tristan Tracy Ferrer, 30, ng 5723 Reginaldo St. Pio Del Pilar, Makati City na siyang nagmamaneho ng Nissan Urvan (PLO 562) habang galos lamang ang natamo ni Joel Borja, 42 ng Block 13 Lot 9 Bonifacio St., City Homes, Bacoor Cavite.

Ang dalawa ay kapwa naman naisugod sa San Juan De Dios Hospital ng dalawa pa nilang kasama na sina Bryan Garcia. 32, Kelvin Barrenechea, 25.

Batay sa ulat na isinumite ni Pasay city police chief Sr. Supt Rodolfo Llorca kay Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona, naganap ang pananambang alas-10:16 ng gabi sa Sta. Escolastica St  malapit sa service road ng Roxas Boulevard.

Hinarang ng mga suspek na sakay ng isang itim na Toyota camry ang sasakyan ng mga biktima at bumaba ang tatlong armadong lalaki bago sabay-sabay na pinaputukan ang mga biktima.

Sa kabila ng tama sa hita, nagawa namang maiatras ni Ferrer ang sasakyan hanggang bumangga sa isang nakaparadang motorsiklo.

Tumakas ang mga suspek patungo ng Buendia matapos ang pamamaril.

Sinabi naman ni Borja sa pulisya na nakilala niya ang isa sa tatlong suspect na si Ciriaco Joseph Garcia III dahil masugid na manliligaw ito ng kanyang anak. Siya umano ang target ng mga suspect dahil tutol siya sa pakikipagrelasyon ng kanyang anak sa suspect.

Idinugtong pa ni Borja na bago naganap ang pananambang, ilang ulit na nakakatanggap ng pagbabanta mula kay Garcia ang kanyang asawa. Nakita rin aniya niya ang suspect kagabi bago nangyari ang pananambang na sinusundan siya nang magtungo sa isang restaurant sa Sta Monica St., naturang lungsod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply