Makulay na Kwento para sa Batang Marikenyo handog ng Marikina

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-16 na taong anibersaryo ng pagiging lungsod, iniimbitahan ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang lahat ng Marikenyo upang makiisa sa mga aktibidad na inihanda sa lungsod  sa Sabado, ika-8 ng Disyembre.

Bilang panimulang aktibidad, nagsagawa ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Marikina City Library ng storytelling project na pinamagatang “Makulay na Kwento para sa Batang Marikenyo” ngayong  Disyembre 6, na dinaluhan ng mga mag-aaral ng Marikina Heights Day Care Center. Magkakaroon ng kaparehong pagsasanay sa ika-7 ng Disyembre sa mga mag-aaral ng Kalumpang Elementary School kung saan ilalahad sa mga bata ang makulay na kasaysayan ng Marikina mula sa pagiging munisipalidad hanggang maging isang ganap na lungsod.

Sa araw ding iyon sa ganap na ika-4 ng hapon ay papasinayaan ang Badminton Court at Fitness Gym, kasabay ng Table Tennis Marathon Marikina Sports Park.

Kinabukasan, ika-8 ng Disyembre, magsasagawa ng Martial Arts Demo sa ganap na ika-6 ng umaga sa Freedom Park. Ituturo rito ang ilang uri ng martial arts tulad ng Arnis, Taekwondo, Karatedo at iba pang kahalintulad na disiplina na pangungunahan ng Marikina Sports Commission kasama ang Mixed Martial Arts Association at Aerobics Club of Marikina. Pagsapit ng ika-8 ng umaga, mag-aalay ang lungsod ng isang misa ng pasasalamat sa Our Lady of the Abandoned Church. Susundan ito ng isang konsyertong pinamagatang “Musika ng Kabataan” simula sa ika-2 ng hapon sa Marikina River Park  na tatapusin sa pamamagitan ng isang magarang fireworks display.

Sa ika-9 ng Disyembre sa ganap na ika-7 ng umaga ay idaraos naman ang “Unang Pedal para sa Labing-Anim” 1st Marikina Cityhood Bicycle Fun Ride na magsisimula sa SM City Marikina at magtatapos sa Cityhood Park kung saan isasagawa ang isang maikling programa at pagpapakilala sa mga magsisipagwagi. Ang pagpapatala para sa mga nais lumahok ay magsisimula sa ganap na ika-6 ng umaga sa SM Marikina.

“Una tayong naging lungsod noong ika-8 ng Disyembre 1996, mula sa isang munisipalidad ay naging isa sa mga kilalang lungsod sa buong Pilipinas dahil sa ating kalinisan, sa ating industriya ng sapatos at ang mga karakter na ‘disipline, good taste, at excellence’ na nagpatanyag sa atin sa buong bansa. Sa ating ika-16 na anibersaryo bilang lungsod,  inaasahan natin na sa kabila ng pagkakaiba ng mga lugar na ating

pinanggalingan ay sama-sama nating lilinangin ang karakter at kahusayan ng bawat isang

Marikenyo tungo sa ganap na pag-unlad,” wika ni Mayor Del De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply