Manila Water may 889,448 bagong koneksyon ng tubig

hilda online logo

TULOY-TULOY ang pagsasagawa ng karagdagang koneksyon ng tubig ng Manila Water kung saan umabot na sa 889,448 ang pangkalahatang bilang ng koneksyon ng tubig na naghahatid ng malinis at maiinom na tubig para sa higit na 6.2 milyong katao na nakatira sa silangang bahagi ng Kalakhang Maynila at ilang bayan sa Rizal.

Ayon sa pahayag ng Pangulo ng Manila Water na si Gerardo C. Ablaza, Jr., bahagi ng responsibilidad ng Manila Water na mabigyan ng malinis at maiinom na tubig ang mga mahihirap na sektor ng lipunan sa abot-kayang halaga.

Lumawig pa ang serbisyong patubig ng Manila Water sa mga munisipalidad ng Rodriguez at San Mateo sa lalawigan ng Rizal, gayundin sa Lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng dalawang malalaking “water system” sa lugar: ang North Rizal Water System na pinasinayaan kamakailan at ang Penafrancia Water System na nakatakda na ring pasinayaan.

Sa kasalukuyan, nakapagbibigay ang Manila Water ng 1,120 milyong litro ng malinis at maiinom na tubig kada araw, higit doble sa 440 milyong litro kada araw na naibahagi nito noong 1997.

Siniguro rin ng Manila Water na mataas ang kalidad ng tubig na nanggagaling sa planta at dumadaloy sa distribusyon ng iba’t ibang linya ng tubo. Bukod pa riyan, pasado rin ang Manila Water sa itinakdang pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water. Patuloy ring isinasagawa ang palagiang pagsusuri sa mga nakolektang samples ng tubig upang mapanatili ang kalidad at kalinisan nito.

Ang Manila Water ay ang pribadong kumpanya na konsesyunaryo ng silangang bahagi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na nagbibigay ng serbisyong patubig at alkantarilya sa Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Pateros, Mandaluyong, San Juan, ilang bahagi ng Quezon City at Maynila at ilang bahagi ng probinsiya ng Rizal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply