Martsa vs Apeco, suportado ng Simbahan

antonio-tagle

SUPORTADO ng Simbahang Katoliko ang mga residente ng Casiguran na nagmartsa mula sa kanilang lugar patungo sa Maynila upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Project (APECO).

Kasabay nito, hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pamahalaan na pakinggan ang apela ng mga residente ng Casiguran laban sa special economic zone project.

Umaasa rin si Tagle na hindi masasayang ang sakripisyo ng may 120 magsasaka, mangingisda at mga indigenous peoples, na kumakatawan sa may 3,000 pamilya ng Casiguran, at nagmartsa ng 15 araw mula sa Aurora patungo sa Maynila.

“I hope that the whole country will listen to all of you,” ayon pa kay Tagle.

“I am also hoping that the clamor of our people from Casiguran will lead to what we call as the examination of conscience,” dagdag pa ng Cardinal.

Nabatid na nagmartsa ang mga residente mula sa kanilang lugar at dumating lamang sa Maynila nitong Sabado sa layuning makumbinse ang Pangulong Benigno Simeon Aquino III na ipatigil ang operasyon ng APECO.

Kahapon ay nagtungo sa Malacanang ang mga nagma-martsa upang sila na mismo ang magpaabot ng kanilang hinaing sa pangulo.

Tiniyak naman ng Cardinal sa mga anti-Apeco protesters na gagawin nila ang lahat upang pakinggan lamang ng pamahalaan ang hinaing ng mga residente.

“We are going to raise your concerns not just to the President but to the entire country,” ani Tagle. “And in case they will not listen to us, you are not alone. We are all in this together.”

Nabatid na ang APECO ay 12, 923-hectare megaproject na inaakusahang sumusuway umano sa ilang reform laws tulad ng Indigenous Peoples rights’ Act, CARPER law, at Fisheries Code.

Kabilang sa demand ng mga protesters ay ipatigil ni PNoy ang budget allocation sa APECO sa taong 2013.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply