Mawawalan ng trabaho dahil sa Cepalco

ito ang totoo

TUMITINDI, habang palapit ang bagong taon, ang pangamba ng halos 200 empleyado ng lungsod ng Olongapo, partikular ang mga taga-Public Utilities Department (PUD), na matatanggal sa trabaho sa pagsasa-pribado ng kanilang departamento.

Ito ang Totoo: ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng PUD ang nagbebenta ng kuryente sa Olongapo na sa ngayon ay lubog sa utang kaya ibinebenta sa Cagayan Electric Power & Light Co. o CEPALCO.

Inaasahang kapag pribado, huhusay ang distribusyon ng kuryente mula sa minana pa sa mga Amerikanong lumang pasilidad kaya mataas na ang “systems losses,” at maiiwasan ang impluwensiya ng pulitika sa pamamahala, ‘di tulad ngayong gobyerno ang nagpapatakbo nito.

Kung may nagkamal ng pera sa $13.3 M (dolyares, hindi peso) na bentahan ay ibang usapan, hindi ba JLo? Ang atin muna ngayon ay ang kapakanan ng mga empleyado ng PUD at kanilang mga pamilya.

Ito Ang Totoo: may rekomendasyon na si PUD Manager Eng’r. Louie Lopez kay Mayor James Gordon, Jr. na batay sa Section 63 ng RA 9136 o EPIRA law, ang mga opisyal at kawani ng PUD ay dapat mabigyan ng katumbas ng isa at kalahating buwang suweldo sa bawat taong serbisyo.

“Regardless” sa “employment status” ang rekomendasyon ni Eng’r. Lopez, gaya noong isinapribado ang National Power Corp. (NAPOCOR), na hinati sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) sa distribusyon at Power Sector Asset & Liability Management (PSALM) sa power generation.

Ibig sabihin, bilangin pati ang panahon na kontraktu-wal  at/o casual ng empleyado para naman mahaba-haba ang bilang ng talaga namang ipinagserbisyo at lumaki kaunti ang maiuuwi ng mga kawawang empleyado ng PUD na mawawalan ng trabaho.

Dapat pa nga, i-absorb ng CEPALCO ang mga empleyado ng PUD dahil pagkain sa lamesa at pati pagpasok sa eskuwela ng mga bata ang nakasalalay sa mawawalang trabaho ng kanilang mga ama at ina. Ito ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply