May lungkot ang Pasko at ang pulpito sa RH law

_benny antiporda

KAHIT hindi tayo tinatamaan ng panibagong namumuong bagyo sa Visayas at Mindanao, nanginginig tayo sa lamig.

Pero hindi basta lamig ang ating nararamdaman.

May halong matinding takot at lungkot ang bumabalot sa ating buong katawan at kaluluwa.

Paano nga naman kung dahil sa mga panibagong flashflood ngayon ay muling may masawi sa mga lugar na dinaanan ng bagyong Pablo?

Eh, hindi pa natatapos ang ating pagbibilang ng mga patay sa Visayas at Mindanao dahil sa bagyo.

Kahapon, may naitala nang 1,067 na nasawi habang may 834 pang nawawala.

Sino ang hindi malulungkot at matatakot sa nagaganap na mga flashflood ngayon sa nasabing mga lugar?

Diyos na mahabagin.

KAUNTING DASAL

Sana naman, Panginoon, tulungan ninyo kaming mahawi ang nakamamatay na lambong sa aming buhay, sa aming bansa.

Gaya nang ginawa ng iyong anak nang magkaroon ng unos habang kasama niyang nakasakay sa bangka sa karagatan ang kanyang mga apostol. Sana’y pigilan ng iyong anak na si Hesus ang mga hangin at ulan at iligtas mo kami sa sakuna.

Unawain mo na lang sana ang liit ng aming pananampalataya sa iyo. At higit mong isaalang-alang ang iyong pag-ibig sa iyong mga nilalang sa sanlibutan.

ALANG-ALANG SA PASKO

Sana naman, Lord, alang-alang din sa Pasko, ang araw ng kapanganakan ng iyong anak, huwag na po ninyong hayaang madag-dagan ang paghihirap ng libo-libong Filipinong biktima ng bagyo.

Hayaan ninyo silang kahit sa isang saglit o panahon ay maramdaman nilang ang Pasko ay higit na araw ng kaligtasan kaysa kamatayan at higit na kahinahunan kaysa kaguluhan.

Sana rin, gaya ng mensahe ng pagsilang ng iyong anak, may maliwanag na kinabukasang nag-aantay sa lahat at hindi madilim na bukas. Amen.

ANG PULPITO AT RH LAW

May nagsisimba tayong UZI sa iba’t ibang simbahan,  mga Bro. Alam ba ninyo ang kanyang napansin? Ngongo ang mga sound system sa maraming simbahan.

Kaya natatanong niya, “Ito ba ang dahilan kung bakit maging ang maraming Katolikong kongresman at senador ay bumoto sa RH bill na RH Law na ngayon?”

Paano mo makukumbinsi na sumama sa rali o kampanyang anti-RH maging ang mga Katoliko kung ngongo ang mensahe sa kanila?

Sa ibang salita, ginamit man ang pulpito ng mga pari at obispong Katoliko laban sa RH bill noon, walang malinaw na mensahe ang mga ito.

Ito’y dahil nga sa ngongo ang mga sound system, at nagmukhang ngongo rin ang mga pari at obispo.

Hindi naging effective ang kampanya laban sa RH.

PULPITO SA KONGRESO

Ihambing ninyo, mga Bro, ang sound system ng mga simbahan sa mga nasa Senado at Kamara.

Malinaw na malinaw ang mga nasa Kongreso samantalang ngongo nga ang mga nasa simbahan.

Eh mas maingay ang mga pro-RH kaysa mga anti-RH.

PULPITO NG PALASYO

Sa huli, humalo pa ang malinaw ding sound system mula sa Palasyo.

Sinabi ng sound system ng Palasyo na maparurusahan ang mga KKK sa Kongreso kung hindi sila susunod.

Ang parusa? Nakatatakot!

Hindi man sinasabi, walang tinapay silang matatanggap mula sa langit.

Walang pork barrel. Eh maghahalalan na. Kung walang pork barrel, walang pondo sa mga proyekto.

Wala na ngang makikita ang mga botante na proyektong kapaki-pakinabang mula sa mga senador at kongresman na hindi boboto sa RH, wala pang pagkakakitaan ang mga ito para sa darating na halalan.

Hehehe! Sino ang hindi matatakot niyan?

Dalawa ang ginawa ng mga takot: bumaligtad mula sa anti-RH sa pagiging pro-RH o kaya’y mag-abstain o hindi na lang sasali sa botohan.

MGA WAIS

Kung mahina-hina kang kumapa sa mga pinaggagawa ng mga nagpanalo sa RH law, malabo ang lahat ng mga nasa likod ng malakas na pro-RH.

Hindi tayo naniniwala na malinaw sa lahat ng mga mambabatas na kapaki-pakinabang ang RH. Kung mayroon mang malinaw na malinaw, walang iba kundi ang kita sa RH.

Kaya naging wais ang nakararami. Delikado na hindi magkakaroon ng tiyak na pork barrel ang mga mambabatas na anti-RH.

May nakaiisip din sa kanila na pupuwedeng gawing pork barrel ang mga gamot at contraceptive na mailalagay sa bawat distrito.

May P7.5 bilyon ang budget ng RH. Magkano ang kikitain ng mga mambabatas sa milyon-milyong halaga ng gamot at contraceptive na ilalagay sa bawat distrito ng mga kongresman at pondo ng mga senador?

At alam ba ninyong makikinabang din dito maging ang mga anti-Rh na bumalim-bing sa pro-Rh at mga hindi lumahok sa botohan o nag-abstain? Wais sila.

5 TAON SAKA MARARAMDAMAN

Sabi ng mga nasa likod ng RH law, aabutin ng limang taon bago maramdaman ng buong bansa ang epekto ng batas.

Tama. Sa loob ng limang taon, maaaring kumonti ang ipanganganak.

Pipigilan mo ba namang magbuntis ang isang babae kahit katakot-takot na satisfying sex ang kanyang gagawin.

Hehehe.

Pero titingnan din natin kung sa loob ng limang taon, eh, lolobo rin ang bilang ng mga opisyal ng bayan na mao-Ombudsman sa pag-nanakaw sa pondo ng RH.

MALIGAYANG PASKO PO SA LAHAT!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply