Metro Manila ‘di ligtas sa hagupit ni Super Pablo

typhoon

Update: HINDI ligtas ang Metro Manila sa naka-ambang pananalasa ng Typhoon Bopha na nagsisimula ng maging isang ganap na super howler at tatawaging Bagyong Pablo na iaasahang papasok sa area of responsibility ng Pilipinas mamayang madaling araw base sa pagtataya ng Philippine Athmospheric and Geophysical and Astronomical Services Adminsitration .

Sa pinakahuling ulat ng Pagasa sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa Camp Crame, papasok ang bagyong si Pablo sa Philippine Area of Responsabilities bukas ng umaga, Lunes at pagsapit ng gabi ay magsisimula na itong manalasa Eastern Mindanao.

Martes naman ng umaga, inaasahang tatama na sa lupa ang bagyo bago mag-tanghali at magdadala ng pinakamalakas na pag-ulan sa Surigao, Compostela Valley at nalalabing bahagi ng Mindanao.

Pagtama sa lupa, bahagyang hihina ang bagyo. Babagtasin naman nito ang buong rehiyon ng Mindanao sa Martes ng gabi, saka lalapit ng Panay Islands, Miyerkules ng umaga.

Miyerkules naman ng gabi, lalapit na sa Mindoro at Palawan area si Pablo at pagsapit ng Huwebes ng gabi ay magdadala na rin ito ng pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Bunsod nito, inalerto ni NDRRMC Benito Ramos ang mga residenteng nasa low-lying areas na prone sa flash flooding at landslide.

Sinabi ni Weather Bureau Division Chief Robert Sawi na posibleng sa Biyernes ay mararamdaman na sa kalakhang Maynila ang ulang dala ng bagyo.

“Uulan [sa Metro Manila] ‘pag dumaan ang bagyo sa Mindoro or northern Palawan… ‘di ito direktang tatama ng Metro Manila base sa kasalukuyang impormasyon,” ayon sa weather bureau.

Ayon kay Ramos, kanyang pinababantayan ang area ng Davao particular na ang mga lugar na malapit sa paanan ng Mt. Diwalwal na talamak ang iligal mining na mag-ingat sa posibleng pagkakaroon ng landslide kasabay ng malakas na buhos ng ulan at hagupit ng malakas na hanggin.

Nabatid na bumilis at lumakas pa ang typhoon Bopha habang papalapit ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa ginanap na press conference, inihayag ni Sawi na huling namataan ang bagyo sa layong 1,110 kilometers (km) silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 185 km per hour (kph) malapit sa gitna at pagbusgong 220 kph.

Patuloy anyang kumikilos si Bopha pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 22kph.

“Anytime from now, we are expecting na papasok na o tatama na dito sa PAR line itong sentro ng Bopha o Pablo.”

Heavy to intense rains o 20 hanggang 30 millimeters per hour (mm/hr) ang sukat ng pag-ulang dadalhin ni Pablo at may diameter itong 700 km,” ani Sawi.

Sa nasabing pulong balitaan, sinabi ni Ramos na partikular na magla-landfall si Pablo sa Surigao del Norte o Surigao del Sur.

Sakaling tumama anya sa Hinatuan, Surigao del Sur, maaapektuhan ang Lianga, Barobo, Tagbina at Bislig.

Dahil sa lawak o diameter ng bagyo, aabutin din ang ilang munisipalidad ng Davao Oriental at Surigao del Norte.

Samantala, inabisuhan naman ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Alexander Pama ang mga mangingisdang nasa apektadong lugar na huwag munang pumalaot dahil delikado na ang karagatan 48 oras o dalawang araw mula ngayon.

Ayon kay Navy spokesman Marine Col Omar Tonsay , simula kahapon
ganap na ika 8:00 ng umaga ay nagbigay na ng direktiba ang punong himpilan ng navy sa Maynila na ilagay na sa standby alert ang lahat ng disaster response task units (DRTU) at mga barko ng mga naval forces sa areas na dadaanan ng nasabing bagyo.

Pinag-iingat din ang lahat sa posibleng storm surge sa eastern seaboard ng Surigao Provinces at Davao Oriental.

Ayon kay PAGASA Forecaster Fernando Cada, huling namataan si Bopha sa layong 1,300 kilometers (km) silangan ng Southern Mindanao taglay ang kategoryang Typhoon o lakas ng hanging umaabot sa 175 km per hour (kph) at pagbusgong aabot sa 210 kph.

Patuloy na gumagalaw ang bagyo pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Ayon pa kay Cada, kung ikukumpara kay Sendong na umabot lamang sa kategoryang Tropical Storm o lakas ng hanging 65 kph, mas malakas ang papasok na si Pablo at maaari itong maging ganap na super typhoon.

Magdadala, anya, ito ng heavy to intense rains o 7 hanggang 15 millimeters per hour (mm/hr) na sukat ng ulan sa bahagi ng Visayas at Northern Mindanao.

Samantala, binabantayan na rin ngayon ng mga disaster management officials ang kalagayan ng Bulkang Mayon sa Bicol region, bilang paghahanda sa posibleng epekto ng papalapit na bagyong “Pablo”.

Ayon Ramos, gagamit sila ng military plane para sa gagawing aerial assessment sa crater ng bulkan at mga daluyan ng ilog.

Nakataas na rin ang babala ng mga kinauukulan sa posibleng flashflood at landslides partikular sa mga lalawigan ng Surigao, Davao, Compostela Valley, Misamis, Bukidnon, Lanao, Zamboanga, Leyte, Cebu, Bohol, Negros, Panay at Mindoro.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply