Mga batang lansangan kalat

pakurot

HINDI pa man araw ng Pasko, nagkalat na ang mga batang namamalimos sa lansangan ng Metro Manila.  Ano pa kaya kapag malapit na ang araw ng kapanganakan nang Manunubos ng sanlibutan?

Mas lalong napakarami kapag ganitong panahon. Hindi lang mga bata ang nagkalat sa kalye kundi maging ang mga matatanda na kumakatok sa bawat pintuan para lang manghingi ng konting barya na ililimos sa kanila upang magamit na pantawid-gutom o pambili ng pagkain para sa okasyon.

Kahit anong pagbabawal ang gawin ng gobyerno kaugnay sa pamamalimos sa lansangan, walang tigil pa rin ang pangit na tanawin sa kalye sapagkat hanggang press release lang naman ang pamahalaan sa pagbibigay nila ng tulong sa mga batang kalye at mga mahihirap na mamamayan.

Hindi kasi totohanan ang pagpapatupad ng programa ng mga nakaupo sa pamahalaan  para kung hindi man maubos ang mga namamalimos sa lansangan ay mabawasan man lang.

Isa sa tanggapan ng pamahalaan na dapat gumawa ng hakbang upang matigil ang pamamalimos sa kalye ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) subalit wala namang maayos na panuntunan ang tanggapang ito para sa kapakanan ng mga kabataan.

Batid ba ng mga opisyal ng DSWD na nalalagay sa peligro ang buhay ng mga batang namamalimos sa kalye tuwing kakatok sila sa mga nakatigil na sasakyan sa kalsada bunga ng traffic  o kaya naman tuwing sasampa sila sa mga pampasaherong  jeep upang humingi ng konting limos?

Kailan pa aaksyon ang pamahalaan kapag may ilang bata na ang nasagasaan o nahulog sa mga sasakyan? Minsan, may ilang walanghiyang magulang na ginagamit pa ang pagkamatay ng kanilang anak upang pagkaperahan tulad nang pagpapabayad sa buhay ng kanilang anak.

Kung hindi sana nila pinabayaan ang kanilang mga anak sa kalye, hindi magbubuwis ng buhay ang mga ito.

Bakit kasi may mga magulang na hindi batid ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga anak?

At sa halip, ang mga anak nila ang inoobligang bumuhay sa kanila.

Nawa’y makaisip ang pamahalaang Aquino ng paraan upang mapaganda ang buhay ng mga kabataang ito na namamalimos sa kalye at sa halip ay maglaro at mag-aral upang ma-enjoy ang kanilang kabataan.

Maligayang Pasko po sa lahat ng mambabasa ng Remate.

Nawa’y pagpalain po tayong lahat.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply