Mga na-demolish sa BIR Road, QC, muling palalayasin ngayon

NABABAHALA ang hindi bababa sa 14 na maralitang pamilyang napilitang tumira sa sidewalk ng NIA Road sa Quezon City matapos gibain ng Quezon City LGU ang kanilang tahanan sa may BIR Road noong Oktubre na muling gibain ang kanilang mga bahay.

Ayon sa mga residente, nakatanggap sila ng  Notice of Demolition noong Disyembre 4 mula sa opisina ng Task Force COPRISS. Binigyan lamang ang mga maralita ng isang araw upang baklasin ang kanilang mga kubol na itinayo nila sa tabing kalsada.

Ayon pa sa nasabing notice, nilabag ng mga maralita ang ilang seksyon ng Urban Development and Housing Act o RA 7279, at sa National Building Code ng Pilipinas.

Kalakhan sa mga residente ay kinategoryang disqualified ng National Housing Authority kung kaya’t hindi sila napasama sa mga dati nilang kasamahan na nalipat na sa relokasyon sa Gaya-gaya sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon kay Erlinda De Luna, 54, nangangamba silang samsamin ang kanilang mga tent ngayong umaga ng mga tauhan ni G. Marlowe Jacutin, ang kasalukuyang Officer-In-Charge ng TF COPRISS. Matapos hindi ituloy ang planong pagpapalayas sa kanila noong Disyembre 5, nagpahayag umano si Jacutin na ngayong umaga ay sapilitan nang palalayasin na ang mga maralita sa tabing kalsada.

Dagdag ni Aling Erlinda, sa liit ng kanilang pinagkakakitaan ay hindi nila kayang mangupahan pa gaya ng nais itinutulak sa kanila ng lokal na pamahalaan. “Marahil ay nais ni Aquino na kami ay maging palaboy na lang kami sa lansangan,” ani Luna na isang street vendor sa tapat ng Census.

Hirit pa ni De Luna, hindi na umano naawa ang gubyerno na matapos ang ginawang overkill na demolisyon ng kanilang tahanan sa tabing BIR noong Oktubre 18 ay muli na naman silang palalayasin ng gubyerno.

Katulad ng mga biktima ng Bagyong Pablo, inaasahang daan-daang maralitang pamilya rin sa buong bansa ang magsi-celebrate ng Kapaskuhan sa tabi ng kalsada matapos ang ginawang mararahas na demolisyon at pagpapalayas sa kanilang mga trabaho at mga komunidad sa ilalim ng administrasyong Aquino.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply