Mundo’y magugunaw na pero amigo ni PNoy nagka-pwesto

Allan Encarnacion mano_mano web copy

MARAMI na talaga ang tinatakasan ng bait.

Habang lumalalim ang kaalaman ng tao sa siyensiya at Bibliya, lahat na ng kanilang nakikita ay nabibigyan ng sarili nilang interpretasyon.

May mga prediksyon ng katapusan ng mundo nitong Disyembre 21, 2012.

Kung nababasa n’yo pa ang kolum ko ngayon dito sa Remate, ibig sabihin, buhay pa kayo, buo pa ang lupang inyong kinatatapakan.

At paano naman ako maniniwalang katapusan na ng mundo noong Biyernes gayong iyon ang mismong araw nang lumabas ang mga balitang itatalaga na naman sa Agriculture department si El Paborito de Amigo Rico Puno?

Walang makapagsasabi kung kailan magugunaw ang mundo.

Ang naniniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.

***

Grabe ang pinsalang inabot namin noong Biyernes hindi dahil sa balitang katapusan ng mundo.

Alas-diyes ng umaga ang schedule namin sa Philippine Airlines  flight 318 patungong Hong Kong.

Normal na sa amin ang umalis nang maaga sa bahay para nasa airport kami 2 or 3 hours bago ang nakatakdang lipad.

Alas siyete y medya  ng umaga ay nasa NAIA 2. Sa check in counter ng PAL, inalok kami kung payag sa 8am flight. Tinawagan ko muna ang aking mga kasama kung malapit na sila sa airport para maisabay din sila sa kaparehong flight.

Okey na sana ang alas otsong lipad pero nang bumalik ako sa check in counter, puno na rin daw pala ang 8am flight kaya hindi na rin kami puwede.

Ang alas-diyes na flight ay nailipat naman daw sa alas-dose y medya.

Ang sumunod na problema, ala-una y medya na nakalipad ang eroplano kaya ang ending, iyong 12 noon na expected time of arrival namin sa Hong Kong International Airport ay naging alas-tress y medya.

Sa rami ng proseso, mag-aalas-sais na rin kami nakarating sa hotel. Ibig sabihin, apektado ang lahat ng sked namin dahil sa naging pagbabago ng sked sa PAL bagama’t first time ko lang ito naranasan sa paborito kong airlines.

Sana lang, Ginoong Ramon Ang and Pareng Lucio Tan, may proseso rin kayo at ang lahat ng mga airline na ma-inform ang mga pasahero ng mga flight changes sa gabi pa lang o isang araw bago ang nakatakdang flight para maiprograma naman namin ang mga schedule.

May text blast naman at email na puwedeng magamit.

Iparamdam n’yo rin naman sa mga pasahero na importante rin kami sa inyong negosyo.

Hindi ba puwedeng maisama ito sa Passengers’ Bill of Rights?

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply