NCRPO handa na sa ‘Simbang Gabi’

espina

HANDA na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) hinggil sa inilatag nilang seguridad kaugnay sa tradisyunal na “Simbang Gabi” na magsisimula sa Disyembre 16.

Ayon kay NCRPO Director Leonardo Espina, plantsado na rin ang pagpapatrulya ng kapulisan sa lahat ng lansangan at sa palibot ng mga simbahan na inaasahan nilang dadagsain ng libo-libong deboto.

Dagdag pa ni Espina, pakikilusin din niya ang mga barangay police upang magsilbing mga force multiplier upang matiyak na hindi sila masalisihan ng mga snatcher, masasamang elemento at maging mga teroristang grupo na nagbabalak na maghasik ng kaguluhan.

Bukod pa sa kanilang mga police personnel at mga pinalalabas na administrative personnel, hihingi rin sila ng tulong sa mga tinaguriang barangay peacekeeping action teams.

Aabisuhan din umano ni Espina ang iba’t ibang radio groups upang makatulong sa traffic management dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Pinayuhan naman ni Espina ang mga magsi-Simbang Gabi na siguraduhing sarado o may maiiwan na kaanak sa kanilang mga bahay upang maiwasan na mabiktima ng “akyat bahay gang”.

Mahigpit din pinababantayan ni Espina ang mga paliparan dahil maraming mga balikbayan at mga turista ang magdadatingan upang dito sa bansa ipagdiwang ang kanilang Pasko.

Ang tradisyunal na “Simbang Gabi” o Misa de Gallo, ay dinadagsa ng mga mananampalatayang Katoliko sa loob ng siyam na gabi o madaling araw bago ang araw ng Pasko.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply