Obrero, nagpiket sa Kongreso para sa dagdag-sahod bago Pasko

Pnoy-the-grinch

NAGPIKET sa House of Representatives ang mga manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno ngayong umaga para igiit na ipasa ang panukalang magsasabatas ng P125 across-the-board na dagdag-sahod sa buong bansa.

Anila, ang pagpasa sa panukalang batas ay isa sa pinakamagandang regalong pwedeng ibigay ng mga mambabatas ngayong Pasko.

Dala ng mga manggagawa ang larawan nina Pang. Noynoy Aquino, Labor Secretary Rosalinda Baldoz at House Committee on Labor and Employment chair Rep. Emil Ong na inilarawan bilang mga “Grinch” ng Pasko, gayundin ang mga parol na may laman ng kanilang panawagan.

Ang Grinch ay kontrabidang karakter sa librong pambatang How the Grinch Stole Christmas! at kilala sa pagiging ganid at kontra-Pasko.

“Isa na siguro ito sa pinakamasasahol na Pasko para sa mga manggagawa. Ilang taon nang binabarat ang sahod at nagbabanta pa ang kaltas sa sahod para sa maraming manggagawa,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

“Kung gusto talaga ng mga mambabatas ng mas magandang Pasko para sa mga manggagawa, aaprubahan nila agad ang P125 Wage Hike Bill. Positibong hakbang ito tungo sa pagbibigay ng ginhawa sa mga manggagawa mula sa nagtataasang presyo at papatinding pagkakautang,” dagdag niya.

Kinatigan ng KMU ang sarbey ng Social Weather Stations para sa third quarter ngayong taon na nagpapakitang tumaas sa 21 porsyento ang kagutuman sa bansa at sa 29.4 porsyento naman ang kawalang-trabaho.

House Committee on Labor and Employment

Kinondena rin ng KMU si Northern Samar Rep. Emil L. Ong, pinuno ng COLE, sa pagtanggi nitong pabilisin ang pagpasa sa P125 Wage Hike Bill o House Bill 375 sa plenaryo ng Kongreso.

Ayon sa KMU, sinabi noon ni Ong na hindi na kailangan ang Luzon-wide consultation para sa panukalang batas at pwede nang maghanda ng committee report hinggil dito ang COLE at ipasa ito sa plenaryo para talakayin.

Pero nitong Nobyembre, binawi ni Ong ang pahayag at sinabing kailangan pa rin ang naturang konsultasyon. Hindi naman niya inareglo ang konsultasyon sa kabila ng pagtutulak ng mga grupo ng manggagawa.

“Bigo ang hepe ng COLE na ipakitang maka-manggagawa siya sa isa sa pinakamahalagang panukalang batas para sa mga manggagawa ng bansa. Mukhang handa siyang tapusin ang ika-15 Kongreso nang hindi ipinapasa ang P125 Wage Hike Bill,” ani Soluta.

“Alam naming magiging abala na ang mga kongresista sa kani-kanyang kampanya pagpasok ng bagong taon at produktibo lang ang Kongreso hanggang Disyembre bago ang eleksyon. Ngayon na ang pagkakataon ng ika-15 Kongreso na ipasa ang napakahalagang panukalang batas na ito,” dagdag niya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply