Pacquiao vs Marquez 4 mapapanood nang libre sa Caloocan

LIBRENG mapapanood sa 14 magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City ang pang-apat na pagtutuos sa ibabaw ng lona nina Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao at Juan Manuel Marquez ng Mexico sa darating na Linggo (Dec. 9).

Ang libreng palabas na ito sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod ay handog nina Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri.

Kabilang sa mga pagdarausan ng libreng palabas nina Pacquiao at Marquez ang Victory Mall, Monumento; Barangay 144 Covered Court; Barangay 152 Macaneneng Covered Court; Barangay 163 Sta. Quiteria Elementary School; Barangay 166 Caybiga Covered Court; Barangay 168 Deparo Covered Court; Barangay 171 Bagumbong High School; Barangay 174 Camarin High School; Barangay 176 Phase 1 Covered Court; Barangay 176 Phase 7 Pag-Asa Elementary School; Barangay 176 Phase 10 Kalayaan High School; Barangay 178 Camarin D Elementary School; Barangay 179 Amparo Covered Court at Barangay 187 at 188 Glorietta Covered Court.

Inaasahan na dadagsa ang mga residente ng lungsod sa mga pagdarausan ng libreng palabas sa laban nina Pacquiao at Marquez kaya’t nagpasya ang lokal na pamahalaan na damihan ang pagpapalabasan sa panibagong pakikipaglaban sa ibabaw ng lona ng ating pambansang kamao upang hindi magsiksikan ang mga gustong makapanood.

Upang maiwasan din ang pagkakagulo sa pagpasok sa mga venue ng laban ni Pacquiao ay mamimigay ng libreng ticket ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng nais na manood sa laban ni Pacman.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga residente sa kanilang mga opisyal ng barangay upang makakuha ng libreng ticket o kaya’y magtungo sa main city hall at annex para makakuha ng libreng passes.

Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Echiverri si Caloocan City Chief of Police, Sr. Supt. Rimas Calixto na magpakalat ng maraming pulis sa mga pagdarausan ng pay-per-view nang sa gayon ay walang makapagsamantala sa mga manonood sa laban ni Pacquiao.

Nagtalaga na rin si Councilor RJ ng mga barangay tanod na siyang tutulong sa mga ikakalat na pulis upang magpanatili ng katahimikan sa mga pagdarausan ng libreng palabas habang tutulong din ang mga tauhan ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM).

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply