Pag-uusig sa Ampatuan massacre paharurutin na

_benny antiporda

DAPAT umarangkada na nang husto ang paglilitis sa Ampatuan massacre makaraang mabasahan ng sakdal ang ikatlo sa mga pinakasikat na pamilya Ampatuan na akusado.

Binasahan agad ng sakdal si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan makaraang ibasura ng Korte Suprema ang kahilingan nitong hindi ito isama sa mga akusado.

Nauna rito, nabasahan na ng sakdal ang kapatid nitong si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at ama nila na si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.

Matatandaang naganap ang masaker noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan na ikinamatay ng 33 na mediamen at 25 iba pa, kasama ang mga asawa at kamag-anak ni ngayo’y Maguindanao Governor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu at iba pang ‘di dapat na kasali sa pangyayari.

Patungo ang mga biktima sa Shariff Aguak para ihain ang kandidatura ni Mangudadatu bilang kalaban ni Andal Ampatuan Sr. sa pagka-gobernador nang sila’y harangin.

Doon sila minasaker at malalim na ibinaon sa lupa sa pamamagitan ng isang backhoe upang ganap na maitago ng mga akusado ang krimen.

May palatandaan na pinagbabaril sa ari ang mga kababaihan at ilan sa kanila ang pinugutan at nireyp.

Ganyan katindi, mga Bro, ang naganap sa nasabing masaker.

PAGLILITIS ARANGKADAHIN

Ngayong nabasahan na ng sakdal si Zaldy, magandang gumawa ng paraan ang husgado na mapabilis ang paglilitis.

Naalala kasi natin ang bagal ng takbo ng mga kasong masaker sa mga hukuman.

Ang Vizconde massacre lamang ay inabot ng nasa 20 taon bago nagkaroon ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.

Eh, tatlo lamang ang mga biktima at mangilan-ngilan lang ang akusado.

Sa Ampatuan massacre, sinasabing umaabot sa 200 ang mga akusado.

Sa ngayon, wala pa sa 100 ang mga nadarakip.

Sa rami ng mga akusado, kabilang na ang mag-aamang Ampatuan, at sa takbo ng katarungan sa bansa mula sa regional trial court hanggang Supreme Court, hindi kaya masahol pa sa siyam-siyam ang pagdinig at paglalabas ng desisyon?

SILIPIN ANG SADDAM CASE

Baka naman makatutulong sa ating husgado ang ginawa ng bansang Iraq sa kaso ni Saddam Hussein makaraang madakip ito sa bintang na crime against humanity sa pagkamasaker ng 148 katao sa Al-Dujayl, Iraq noong 1982.

Makaraang bumagsak ang kanyang gobyerno noong 2003, nagtago si Sad-dam sa isang lugar malapit sa kanyang sariling bayan na Tikrit.

Disyembre 13, 2003 nang madakip siya at dumaan siya sa mahabang panahon ng interogasyon ng mga Kano.

9 NA BUWANG PAGLILITIS

Oktubre 19, 2005 nang magsimulang litisin si Saddam at natapos ito noong Hulyo 22, 2006.

Dumating ang Nobyembre 5, idineklarang guilty si Saddam at pagbitay sa pamamagitan ng lubid ang

ginawang parusa sa kanya.

Pagdating ng Disyembre 26, ibinasura ng hukuman ang kanyang apela at tuluyan na siyang binigti noong Disyembre 30, 2006.

Ganyan kabilis ang katarungan sa Iraq laban kay Saddam na nangmasaker sa kanyang kababayan.

Hindi na inantay pa ng hukuman sa Iraq na matapos ang iba pang mga kasong masaker din o crimes against humanity laban kay Saddam.

Bale mahigit lamang sa isang taon at dalawang buwan ang kabuuang paglilitis hanggang sa araw ng pagbitay kay Saddam.

MANIOBRA PARA MA-DELAY

Sa rami ng mga akusado sa Ampatuan massacre, tiyak na magtatagal ang paglilitis kung pagsasama-samahin sila lahat sa iisang kaso.

Alam naman natin ang mga maniobra at iba pang pangyayari na nakababalam sa pagtakbo ng kaso.

Sampol dito ang pagkakaroon ng kanya-kanyang abogado ng maraming akusado.

Kapag may nagkasakit o namatay kaya na abogado ng kahit isa sa mga akusado, tiyak na babagal ang kaso.

Kapag nagpalit ng abogado ang mga kaso, may mosyon na namang pag-aaralan nila ang kaso.

Kung nagkasakit naman ang huwes, nakupo, postponed ang trial.

Paano kung bawat hakbang ay tatakbo ang mga akusado sa Court of Appeals o Korte Suprema?

Ito nga lang kay Zaldy ay inabot ng siyam-siyam sa Korte Suprema ang kahilingan niyang huwag maisali sa mga akusado dahil kasama umano siya ni Aling Gloria sa Malakanyang nang maganap ang krimen.

Dinakip si Zaldy, kasama sina Andal Jr. at Andal Sr. noong Disyembre 6, 2009 makaraang ideklara ni Aling Gloria ang Maguindanao at karatig na mga pook sa ilalim ng martial law para madakip ang mga Ampatuan.

JUSTICE DELAYED, JUSTICE DENIED

Kapag hindi magawan ng paraan ang mabilis na pag-usad ng kaso, hindi lang siyam-siyam ang aabutin nito.

Tiyak na magbubunga ito ng sinasabing “justice delayed is justice denied.”

Paano kung aabutin ang paglilitis hanggang sa pinal na desisyon ng Korte Suprema ng 100 taon o higit pa?

Eh ‘di maliwanag na walang makakamtan na katarungan.

Kapag ganyan kabagal ang pagtakbo ng kaso, patay ang huwes sa Regional Trial Court na lumilitis sa kaso, dedo na rin ang lahat ng mga Hukom sa Court of Appeals at Korte Suprema at maraming beses na ring nagbago ang gobyerno.

Ang matindi, patay na ang lahat ng mga akusado at miyembro ng pamilya ng mga biktima.

Anak ng tokwa, paano ang katarungan diyan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply