Pagbisita sa Veterans hospital

inton

DINALAW ko nito lang nakaraang araw sa Veterans Memorial Hospital ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil Pasko, nais kong personal na ipaabot ang aking pagbati sa dating Pangulo.

Tahimik ang araw na yun, walang ibang bisita kundi ako lang. Naroon lang ang isa sa mga anak at apo ng dating Pangulo. Marami kaming napagkwentuhan tungkol sa buhay-buhay.

Palibhasa ay naospital din ako sa isang karamdaman kamakailan kaya’t marami kaming nai-share sa isa’t isa. Napakagandang pakiramdam ang personal mong nabibisita ang mga kaibigan at mga taong naging  bahagi ng iyong buhay. Simpleng kumustahan, simpleng palitan ng mga mabubuting Christmas wishes.

Sa klase ng buhay ngayon, na halos hindi na magkandaugaga ang mga tao sa araw-araw na responsibilidad sa pag-abot ng kanilang mga pangarap, sa pagtupad ng mga tungkulin sa sarili at sa pamilya, halos wala nang natitirang panahon para huminahon, tumanaw ng utang na loob, at alalahanin ang mga kaibigan o kapamilyang minsan ay nakatulong at naging mahalagang parte ng ating buhay.

Naalala ko ang isang kwento ng isa pang kaibigan.

Noon daw na siya ay makapangyarihan at nasa pwesto para makatulong sa maraming tao, tuwing Pasko ay halos walang mapaglagyan ang mga regalo na dumarating sa kanya galing sa mga nakakakilala sa kanya. Pero ngayong wala na siyang kakayahan na makatulong ay
wala na halos makaalala.

Nalulungkot ako sa ganitong mga kwento lalo tuwing Pasko. Dahil dati rin akong nasa pwesto, ayoko na malagay sa ganitong sitwasyon. Ang Kapaskuhan ay panahon ng pag-iibigan. Panahon ng pagtanaw sa nakaraang taon at pasasalamat sa mga biyaya ng Panginoon.

Ngayong Pasko pilitin din sana natin na bigyang puwang sa ating mga puso ang tunay na ibig sabihin ng salitang pagmamahal sa kapwa. Lingunin natin ang nakaraan at isipin ang mga taong minsan ay nakasama natin sa pagsasaya. Naaalala ba natin sila ngayong Pasko?

Kahit pa ang mga taong sa palagay natin ay minsan nating nakatampuhan o nakasamaan ng loob, panahon ngayon ng muling pagbubukas ng puso hindi para sa kung ano pa man kundi para sa pagpupugay sa batang si Hesus na ipinanganak sa abang sabsaban.

Ang tunay na mensahe ng Pasko ay ang muling manaig sa ating buhay ang pagmamahal at pag-ibig sa isa’t isa. Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply