Pagkain sa Twitter at Facebook

SIBOL

ANG Pinoy kapag nagsama-sama at nagkakaumpukan, laging may pagkain sa harapan. Minsan hindi lang simpleng tinapay at inumin.  Madalas, kung makakayanan din lang magarbo talaga ang handaan. Pag may selebrasyon kasi, bida ang pagkaing Pinoy. Kaya ang sabi ng mga nagmamatyag, pinakamarami raw sa Twitter at Facebook ang posts tungkol sa pagkain.

Sabi pa minsan, bago raw kumain ang mga Pinoy ngayon ay nagpo-post muna ng mga pagkain na kakainin nila. Hindi pa napag-aaralan siguro kung ano ang dahilan ng mga ganitong pagpo-post ng mga pagkain at kung ano ang nagtutulak sa marami para gawin ito. Para ba maipakita at ma-share ang grasya?

Ang mga mahihirap nating kababayan, siguro marami sa kanila ay wala namang access sa Twitter at Facebook.  Buti naman, kasi parang mahirap siguro sa kanila ang makakita ng marami at magarbong pagkain na pinagsasaluhan ng iilan samantalang sila ay walang makain at minsan ay isang beses lang isang araw nalalamanan ang tiyan.

Ang mga nasalanta ng bagyong si Pablo kamakailan ay nagpahayag ng panawagan at pagsusumamo. Salamat daw sa padala nating mga damit at gamit pero pagkain daw ang kailangan nila.

Sa Paskong ito, talasan natin ang pakiramdam. Hindi naman kailangan na pigilan natin ang ating mga sarili na magdiwang at magsaya pero alalahanin natin ang mga taong nasa ating paligid. Mga kapitbahay na walang handa, mga kababayan na naghihirap at dumadaing ng awa.

Ang Pinoy naman ay maunawain at mapagmahal, malalim ang ating simpatya sa mga nangangailangan at naghihikahos. Ang paalala ko lang naman sa ating lahat, ay sa gitna ng mga pagdiriwang, sa saliw ng mga masasayang tugtog at mga naglalarong mga makukulay na ilaw na normal sa Kapaskuhan, huwag nating kalimutan ang mga taong nasa dilim at naghihirap, mga taong mabigat ang damdamin at matindi ang mga pinagdaraanang pagsubok.

Kung makatutulong tayo ng diretsahan, mabuti. Kung hindi man, sa kung anong dahilan, sana ay maging mas may simpatya tayo sa kanilang mga nararamdaman. Ang pagpo-post ng mga magagarbo at marangyang pagkain sa Twitter at sa Facebook ay isa ring paraan ng pasasalamat sa mga grasya at isang pagpapahayag ng mga biyaya na tinatanggap natin. Pero maging mas sensitibo nawa tayo sa mga nakakakita nito at maging mas mapagpahalaga tayo sa iba’t ibang damdamin ng ating kapwa.

Salamat mga kababayan ko. Mabuhay ang isang masaganang Pasko. Maligayang Pagdiriwang! ariel.inton@gmail.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply