Pagsasabatas sa RH bill ikinabahala ng CBCP

NAGPAHAYAG ng pangamba si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na posibleng pagmulan ng kaguluhan at magkahati-hati ang mga Pinoy kapag tuluyang naisabatas ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), maraming Catholic lay organizations at iba pang sektor ang nagpahayag na isusulong nila ang “civil disobedience” sa oras na maisabatas ang naturang panukala, na labag sa paniniwala at pananampalataya ng mga Katoliko.

Aniya, nakalulungkot na sa halip na pag-isahin ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang sambayanang Filipino ay pilit nitong pinaghihiwalay dahil sa pagsusulong ng panukalang batas.

Gayunman, umapela ang arsobispo sa mga mamamayan na maging mahinahon at patuloy na manalangin para sa kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Samantala, naniniwala naman si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na bagamat maliit na lamang ang tiyansa at may natitira pa ring baraha ang mga anti-RH bill advocate kapag naisabatas ang kontrobersyal na panukalang batas.

Maaari pa rin naman kasi aniya nilang idulog o kuwestiyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng RH bill lalo pa’t ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang “right to life” o proteksyon ng mga sanggol na nasa sinapupunan.

Gayunman, kaunting pag-asa lamang ang nakikita niya para paboran ng Supreme Court ang mga anti-RH bill advocate dahil alam naman ng lahat na kaalyado ni Pangulong Aquino ang pinuno ng SC na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply