Pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center sa 2013, sasalubungin ng protesta

NAGBABALA ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na magkakasa sila ng malaking protesta laban sa nakaambang pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center (POC) sa pagpasok ng taong 2013.

Ayon sa pambansang tagapangulo ng Kadamay na si Gloria Arellano, Enero pa lamang ay maglulunsad na sila ng malaking protesta kasabay ng Pre-Bid Conference na dadaluhan ng mga investors na interesado sa kontrata ng Modenization of Philippine Orthopedic Center sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino.

Ilulunsad ang nasabing Pre-Bid Conference sa Auditorium ng Diagnostic Center ng National Kidney and Transplant Institue (NKTI) sa Quezon City sa Enero 25.

Nauna ng naglunsad ang mga maralitang lungsod sa ilalim ng Kadamay ng isang malaking die-in protest sa labas ng POC sa Banawe Street, Quezon City noong Nobyembre 30 matapos maglabas ng Invitation to Qualify and Bid ang PPP Center para sa mga interesadong investor.

Inaasahang seselyuhan na ng gubyerno at ng sinumang mananalong bidder ang Build-Operate Transfer Agreement bago matapos ang Mayo sa susunod na taon. Sa ilalim nito, sisimulan ang pagtatayo ng isang bago at modernong orthopedic center sa loob ng NKTI compound, at patatakbuhin ito ng pribadong kapitalista sa loob ng 25 taon.

Ayon kay Arellano, magdudulot ng higanteng pagtaas ng singilin sa serbisyo ang nakaambang pribatisasyon ng POC na siyang tanging ospital na nilalapitan ng mga maralitang pasyente para sa mga sebisyo nito sa sakit at pinsala sa buto.

Hindi rin umano kayang saluhin ng PhilHealth ang ilang beses na itataas sa singilin kapag pumasok na ang mga mga negosyante sa sektor pangkalusugan.

Sa Metro Manila, inaasahang isapribado rin ang Quirino Memorial Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Rizal Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center at San Lazaro Hospital tulad ng POC.

Kasabay nito, hindi bababa sa 20 iba pang mga public at regional hospital sa buong bansa ang nakatakdang ipasa ng gubyernong Aquino sa kamay ng mga negosyante.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply