Pagsusunog ng gulong, iwasan – MMDA

 

MAAGANG nagpaalala ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na umiwas sa pagsusunog ng mga gulong ngayong papalapit ang Bagong Taon dahil sa panganib na dulot sa kalusugan at kalikasan.

Ito ang apela ni MMDA Chairman Francis Tolentino makaraang mamonitor nila na marami pa ring matitigas na ulong taga-Metro Manila ang nagsunog ng gulong sa mga kalsada nitong nakalipas na bisperas ng Pasko.

Sinabi ni Tolentino na tila hindi pa rin alam ng publiko ang panganib na dulot sa kalusugan lalo na sa mga bata ng pagsusunog ng gulong dahil sa mga kemikal na sangkap nito na nasisinghot sa usok. Bukod pa dito ang panganib na dulot sa kalikasan dahil sa paghalo ng lason sa  hangin at atmospera.

Bukod dito, makasisira rin ang pagsusunog ng gulong sa aspalto ng kalsada na magdudulot ng panganib sa mga motorista at dagdag na gastos sa pamahalaan sa pagpapaayos nito.

Nanawagan rin ang MMDA na itigil ang pagpapaputok sa kalsada lalo na kung araw na labis na ikinagugulat ng mga motorista na maaaring magdulot ng aksidente. Mas mainam umano na ibili na lamang ng pagkain o tipirin para sa Media Noche ang perang pambili ng paputok.

Nakatakda namang makipag-ugnayan ang MMDA sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa maayos na pagtatalaga ng mga fire trucks sa iba’t ibang
panig ng Metro Manila para sa mabilis na responde.

May instruksyon na rin umano ang MMDA sa mga bumbero na rumesponde at patayin ang apoy sa oras na mamataan na may nagsusunog ng gulong.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply