Panalangin, fasting vs RH Bill, isinulong ng Obispo

praying

KASUNOD nang pakikipagpulong ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa mga mambabatas kaugnay sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill nitong Lunes ay hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na manalangin at mag-fasting laban sa naturang panukalang batas.

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Family and Life (ECFL) chairman at Antipolo Bishop Gabriel Reyes, pinakamabisa pa ring sandata ng pro-life groups ang panalangin at pagpa-fasting laban sa RH bill.

Hinimok ni Reyes ang mga mananampalataya na hindi lamang nitong Lunes magdasal at mag-fasting, kundi sa mga susunod pang araw upang hindi maipasa ng mga mambabatas ang anti-life bill.

Nauna rito,nitong Lunes ay nakipagpulong si PNoy sa mga mambabatas sa Malacanang at sinasabing isa ang RH bill sa kanilang agenda.

Naniniwala naman ang Obispo na isusulong ni PNoy sa naturang meeting ang botohan sa naturang kontrobersiyal na panukala tulad nang ginawa nito noong unang kausapin ang mga kongresista.

Ayon kay Reyes, sakaling matuloy ang puwersahang botohan sa Kamara sa RH bill ay dapat na gawin itong nominal voting para mapanatili ang transparency.

Sa ilalim ng nominal voting, bawat mambabatas ay papayagang bumoto at ipaliwanag ang kanilang boto hinggil sa naturang panukalang batas.

“Let us demand from our congressmen, especially the leaders of Congress, that the voting be nominal, whenever a vote on a part or on the whole of the substitute RH bill is taken,” pahayag pa ni Reyes.

Iginiit pa ni Reyes na karapatan ng mga mamamayan kung ano ang boto ng kanilang mga kinatawan sa kongreso kaugnay sa naturang napakahalagang batas.

Magugunitang noong unang pinulong ni PNoy ang mga mambabatas ay kaagad na nagbotohan ang mga ito na tapusin na ang debate sa RH bill sa pamamagitan ng ‘viva voice’, na mariing tinuligsa ng mga Obispo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply