Pananakot ng mga obispo ipinahihinto

rep-edcel-lagman

TUWIRANG umapela si Albay Rep. Edcel Lagman sa mga obispo na tigilan na ang pananakot sa mga pro-Reproductive Health congressmen na ikakampanyang huwag iboto ang mga ito sa 2013 elections.

Ibinabala ng kongresista na siyang pangunahing may-akda sa RH bill na ang ganitong pananakot ng mga taga-simbahan ay maaaring ituring na election offense.

Giit ni Lagman na malaya ang simbahan na makilahok sa proseso ng lehislasyon sa pamamagitan ng diskusyon pero mahigpit na ipinagbabawal ng Saligang Batas ang anumang uri ng panghihimasok nito.

Dinepensahan din ni Lagman ang sangay-ehekutibo ukol sa pagtungo sa Kamara ng mga miyembro ng Gabinete noong gabi ng botohan para sa second reading ng RH bill.

Aniya, hindi marapat na bigyang kulay ang mga ganitong pagdalo ng Gabinete sa sesyon dahil normal na sa mga taga-ehekutibo na i-monitor ang priority measures nito.

Samantala, nakahanda ang pulisya sa inaasahang pagdagsang muli ng mga raliyistang pro at anti-RH bill sa labas ng Batasan complex.

Ngayong hapon ay inaasahang ipapasa para sa ikatlo at huling pagbasa ang kontrobersyal na panukala.

Dalawang 6 x 6 truck na may lulang mga anti-riot police o Crowd Dispersal Management Unit mula sa Quezon City Police District ang dumating sa may QCPD Station 6, sa tapat lamang ng main gate ng Kamara.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply