Pangalang ‘Pablo’ ipinaaalis sa listahan ng mga bagyo

PAGASA-DOST

IPINATATANGGAL na sa listahan ng state weather bureau ang pangalang Pablo sa listahan ng mga susunod na bagyo sa bansa.

Sinabi ni Raymond Ordinario ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang detalye ng ulat ay isinasapinal na para opisyal na hilingin na burahin na ang typhoon Pablo.

“’Pag gagamitin ulit, it connotes bad records. Baka mag-flashback sa mga tao yung damages niya,” pahayag ni Ordinario.

Sa oras na ang isang cyclone ay makawasak ng P1B halaga ng agrikultura at imprastraktura o hindi kaya ay pumatay ng 300 katao ay inaalis na ito sa listahan ng mga pangalan ng bagyo sa hinaharap.

Magugunitang binayo nang husto ng bagyong Pablo (international name Bopha) ang Visayas at Mindanao at nag-iwan ng daan-daang patay at halos 900 pa ang nawawala.

Sa latest update ng National Disaster Risk and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 714 ang patay at 890 naman ang missing.

Bukod dito, nag-iwan din ang super bagyo ng P7.1 bilyon halaga ng danyos sa imprastruktura, agrikultura at mga ari-arian.

Tanging ang bagyong Pablo lamang ang kandidato para mabura sa listahan ng mga bagyo.

Ang ibang pangalan ng cyclone na tinanggal na noong 2011 ay ang Sendong, Pedring, Mina, Juaning at Bebeng.

May 144 pangalan ng cyclone ang inirehistro ng PAGASA, kabilang ang auxiliary names, na gagamitin hanggang sa taong 2024.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply