Panregalo

inton

May kumakalat  na kampanya sa Facebook na sana raw ay produktong Filipino ang ipamigay nating regalo ngayong Pasko para naman mga Pinoy rin mismo ang kumita.

Magandang ideya ito, marami ang nag-“like” sa FB kaya siguro nga ay pwedeng mangyari ngayong Kapaskuhan.

May mga kaibigan ako na unti-unti nang namimili ng panregalo sa mga mahal sa buhay at ang sabi nila ay mahirap daw maging tapat sa pagsunod sa kampanyang ito. Kasi mahirap daw humanap ng mura at magandang regalo na gawang Pinoy. Ayokong maniwala rito, gusto kong isipin na pwede kung gugustuhin. Ang kaso, ang mga status din sa FB ay ang mga pagbisita sa Divisoria na hanggang hatinggabi na yatang bukas ngayon.

Karamihan ng tinda sa Divisoria ay hindi gawang Pinoy. Sana ay sikapin natin na maipatupad nga ang magandang ideya na produktong sariling atin ang ipanregalo natin.

Dahil kapag gawang Pinoy, Pinoy ang kikita at Pinoy ang negosyong uunlad.

Sa Kongreso noong nakaraang Pasko, napansin ko na ang mga regalo ng mga Kongresista sa kanilang mga empleyado at kapwa Kongresista ay produktong galing sa kanilang Distrito – mani, patis, kakanin, pastillas, macapuno, habing damit, basket, dekorasyon na lilok ng kanilang constituents at iba  pa.

Sa ginagawa ng mga Kongresista natin, hindi lang kumikita ang mga kababayan natin, napo-promote pa ang mga lokal na produkto.

Marami nang mga produktong Pinoy ang maipagmamalaki na talaga. Mga bag at sapatos na gawang Marikina, mga alahas na galing sa Mindanao, mga processed food na galing sa Pampanga at Bulacan, mga damit na gawa rito sa atin. Ito ang kailangan nating gawin ngayon, mga kababayan ko.

Sikapin natin na matupad ang kampanya na Pinoy product naman sa Pasko. Ang perang iikot sa ekonomiya ng bansa ang makatutulong sa paggawa ng mas maraming trabaho, sa paglago ng negosyong Filipino. Ito ang pangako ng isang magandang ekonomiya.

Nito lang mga nakaraang araw, nagsusumigaw sa mga pahayagan ang balitang maganda raw ang hinaharap ng ating ekonomiya sa parating na taon.  May mga nagdududa, hindi naman daw nararamdaman ng mga pangkaraniwang tao kahit maganda ang ekonomiya.

Sa aking palagay, mararamdaman nating lahat ang biyaya ng magandang ekonomiya kung tayo mismo ang susuporta sa kalakal na likas na Pilipino. Nasa sa ating mga kamay ang ikapagtatagumpay ng ekonomiya ng ating bansa. Pinoy products tayo ngayong Pasko!

Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply