Pasko kay PNoy masagana

ALINGAWNGAW_Alvin-Feliciano_WEB

RAMDAM ngayon ng nakararaming Filipino ang Kapaskuhan dahil na rin sa mga proyektong kanilang nakikita at nararamdaman.

Bukod kasi sa sangkatutak na proyekto na naglipana sa lahat ng sulok ng bansa ay hindi rin maikakaila ang mga programang nagpaparamdam lalo sa mga mamamayan na sila’y kasali at inaaruga ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.

Malinaw naman sa ulat ni PNoy na malapit nang maibsan ang kakulangan sa silid-aralan kaya’t damang-dama natin na pangunahin sa agenda ng Pangulong Aquino ang edukasyon.

Maging ang mga kalye sa bawat sulok ng bansa ay halos patapos na ang pagpapagawa kaya’t mabilis na ang biyahe ng mga pangunahing produkto mula sa kanayunan tungo sa kalunsuran.

Hindi rin maitatanggi na tutok rin si PNoy sa problema ng elektrisidad sa bansa kaya’t malinaw naman na nauunti-unti na ang mga barangay na walang kuryente.

Kung pag-uusapan naman ang kalusugan ng mamamayan ay hindi rin pahuhuli si PNoy dahil iba ring atensyon ang ibinigay niya rito lalo’t sa mga pangangailangan ng mga nasa baryo o barangay dahil naaabot na ito ng serbisyo ng gobyerno.

Ang conditional cash transfer ay malaki rin ang naitulong sa mamamayan lalo na sa mga kapus-palad kaya naman iba na rin naman ang antas ng pamumuhay ng mga nakikinabang dito.

Kung noon ay ilang tao lamang ang nakikinabang sa salapi ng pamahalaan ay iba na ngayon dahil ang kasalukuyang liderato ay nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap na lubhang kailangan ng atensyon ng gobyerno.

Nakadadalawang Pasko pa lang ang Pinoy kay PNoy kaya’t sakay lang tayo dahil mas marami pang magagandang ibubunga ang mga proyekto at adhikaing isasawid at may puso sa tao.

Sa madaling salita, paangat na ang ‘Pinas kaya’t magsama-sama lang tayo dahil tayo kasama ni Pangulong Aquino ang magbabangon sa bansang ito.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply