Piyansa ni Marzan, pinalagan ng kasambahay

SA pamamagitan ng isang mosyon, umapela sa Quezon City court ang abogado ng kasambahay na minaltrato ng kanyang mga amo kaugnay sa pagbabasura sa itinakdang piyansa ng korte para sa pansamantalang kalayaan ni Reynold Marzan dahil malakas ang ebidensiya na may nagawa itong kasalanan laban sa kasambahay.

Sa siyam na pahinang kautusan na naisumite, sinabi ni Assistant City Prosecutor Ulric Badiola na napatunayan na nagkaroon ng sabwatan ang mag-asawang Marzan sa kaso at sinasabing ang kasalanan ng isa ay kasalanan  ng lahat.

Ayon pa sa piskal, alam ni Reynold Marzan ang ginagawa ng kanyang asawang si Anna Liza  sa kasambahay na si Bonita Baran na hindi man lang niya inawat ang asawa sa ginagawa nitong pagpapahirap kay Baran.

Sa mosyon ni Badiola, nakasaad na sa tuwing dumarating ng bahay si Reynold galing trabaho wala itong ginagawa kundi tingnan lamang ang ikinukulong na si Baran at sinasabihan pa siyang huwag itong hahayaang makalabas.

Kinukunsinti umano ni Reynold ang ginagawa ni Anna Liza sa pagkakandado sa isang kuwarto hanggang main door para lamang hindi umano makatakas si Baran.

Ani Badiola, pinatunayan din dito na alam ng mag-asawang Marzan ang pagkabulag ni Baran ngunit hindi man lang umano ito pinatingnan sa doktor at aminado si Reynold sa korte na alam niya lahat ang nangyayari sa kanilang kabahayan.

Ayon kay Judge Germano Francisco Legaspi ng Quezon City Regional Trial Court Branch 77, hindi na komento ang mag-asawa sa motion for partial reconsideration dahil hindi nakadalo sa pagdinig ang mag-asawa.

Ayon naman kay PAO Chief Persida Rueda Acosta , kahit pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Reynold Marzan noong  Dec. 3, nararapat lamang na dumalo ito sa pagdinig na kinakailangan dahil naghain ng mosyon ang prosekusyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply