PNoy, DOTC kinalampag ng PISTON

MULING kinalampag ng militanteng transport group at party-list na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) si DOTC Secretary Jun Abaya para sundin at ipatupad sa buong bansa ang kautusan ni Branch 5 Judge Antonio Estevez ng Baguio Regional Trial Court noong Mayo 2, 2012 at September 10, 2012 .

Dalawang ulit ng ibinasura ng korte ang DOTC-LTO Department Order 2008-39 na may kaugnayan sa matataas na traffic fines and penalties na sinimulang ipatupad sa buong bansa simula noong Pebrero, 2009).

Ayon kay George san Mateo, National President ng PISTON , kaya sila muling nangangalampag dahil na rin aniya sa inilabas na desisyon ng Special Twelfth Division ng Court of Appeals (CA) na unanimously nilagdaan ni CA Associate Judges Jane Aurora C. Lantion, Ramon R. Garcia at Myra V. Garcia-Fernandez nitong Nobyembre 15, 2012 na nagbabasura sa petisyong isinampa ng DOTC sa CA para ipatigil ang kautusan ni Baguio RTC Branch 5 Judge Antonio Esteves.

“Sa pagbasura ng CA sa petition for TRO na isinampa ng DOTC, sana ay tumigil na ang DOTC at Office of the Solicitor General (OSG) sa delaying tactics na kanilang ginagawa upang pigilin ang utos ni Baguio RTC branch 5 Judge Antonio Esteves. Nararapat lamang na sundin at ipatupad nila sa buoang bansa ang nauna nang kautusang inilabas ng Baguio RTC Branch 5 noong Mayo 2, 2012 na nagsasabing iligal, null and void at unconstitutional DOTC Department order 2008-39 at pinapatigil ng Baguio RTC ang pagpapatupad ng naturang order,” pagdidiin ni san Mateo.

Binatikos din ni san Mateo ang Office of the Solicitor General (OSG) na siyang abugado ng DOTC at siyang nagbigay ng maling payo sa DOTC na sa mga lugar lang na sakop ng 1st Judicial Region ng Baguio RTC lamang ang bias ng kautusan ng Baguio RTC Branch 5 na nagdeklarang iligal, null and void, unconstitutional at nagpapatigil sa DOTC-LTO sa pagpapatupad ng DOTC-LTO Dept Order 2008-39.

Kinalampag din ni San Mateo si Pangulong Aquino na makialam na sa naturang usapin.

“Dapat matuto si Pangulong Aquino at ang kanyang gobyerno na galangin, sundin at ipatupad ang lawful court order ng Baguio RTC at Court of Appeals,” paliwanag pa ni San Mateo.

Nagbabala si San Mateo na itutuloy-tuloy nila ang kilos-protesta laban sa DOTC Dept Order 2008-39 at sa patuloy na pang-iisnab ng DOTC sa kautusan ng Korte.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply