PNoy: Pasko, panahon para pasalamatan ang Panginoon

PNOY-5

ANG PASKO ang tamang panahon upang huwag makalimutan ng bawat isa ang mamahagi at magpasalamat sa mga natanggap na biyaya mula sa Panginoon, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang Christmas message.

“Sa gitna ng ating mga pagdiriwang, lagi sana nating tandaan ang mga kuwentong bumubuo sa Kapaskuhan; ang pag-aalay ng Panginoon ng kaniyang bugtong na anak para tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Bahagi rin ng aral ng Kapaskuhan ang pagiging bukas-palad ng isang estrangherong nagkusang pagbuksan ng pinto sina Jose’t Maria, at hinayaan silang magpalipas ng gabi sa munting sabsaban; na may tatlong haring nagsakripisyo’t hindi inalintana ang mahabang paglalakbay, maihatid lamang ang kanilang mga handog sa banal na sanggol. Ang okasyong ito, higit sa lahat, ay tanda ng wagas na pagmamahal ng Panginoon sa atin,” ayon sa Pangulo.

Hindi rin dapat aniya kalimutan ang okasyong ito, higit sa lahat dahil ito ay tanda ng wagas na pagmamahal ng Panginoon sa lahat.

Sinabi rin ng Pangulo sa kanyang Christmas message na ang mga Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng pinakamahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Aniya, Setyembre pa lang ay nasasabik na ang lahat para sa mga aguinaldong tatanggapin, gayundin sa pagsasama-sama ng buong pamilya habang pinagsasaluhan ang Noche Buena.

Ngunit sinabi rin ng Pangulo na hindi maikakahon sa mga regalo, sa mararangyang salu-salo, o sa mga makukulay na palamuti ang tunay na diwa ng Pasko.

Lahat nang ito aniya’y sumasalamin sa tunay na diwa ng Kapaskuhan: pagbibigayan, pagpapakumbaba, at pagmamahal sa ating kapwa.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan din ng Pangulo ang sambayanang Pilipino. “Sa ngalan ng buong pamahalaan, nagpapasalamat ako sa lahat ng Pilipinong nakiambag sa pagtatag ng kultura ng katapatan at malasakit sa kapwa. Dahil sa kakaibang pagsusumikap na ipinakita sa tuwid na daan, higit na nagiging makabuluhan ang Paskong Pilipino.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply