PNoy, puring may niluluto at Biazon walang kupas

pakurot

DAPAT nang maalarma ang mga pulis, lalo na ang mga opisyal, na miyembro ng sari-saring sindikato sa Philippine National Police dahil posibleng batid na ni Pangulong Benigno Aquino III at bagong upong PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima ang kanilang mga katarantaduhan.

Noong Martes, nang isalin ni dating PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome ang liderato kay Purisima ay kapwa nagbigay ng babala ang bagong hepe ng pulisya at si Pang. Noynoy.

Pawang babala sa mga pulis ang kanilang mga binitiwang salita.

Sinabi ni Purisima na umalis na sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa krimen at katiwalian dahil wala silang puwang sa kanyang pamunuan habang sinabi naman ni PNoy na huwag nang hintayin ng mga pulis na may katarantaduhan na magsalubong pa ang kanilang landas dahil tiyak na may kalalagyan ang mga ito.

Ayon pa sa Pangulong Aquino, ang uniporme at tsapa ng tiwaling pulis ay papalitan niya ng orange na t-shirt na may nakasulat na malaking letrang P sa likod.

Ang mga pahayag na ito ay patunay lang na may nilulutong plano sina Aquino at
Purisima laban sa mga pulis na may itinatagong baho.

Kaya naman hindi na tayo dapat magulat na isang araw ay may mataas na opisyal ng PNP na malalagay na naman sa pahina ng diyaryo.

Kaya naman ngayon pa lang ay magbago na ang mga pulis dahil tiyak na may masasakripisyo na naman sa inyo para lang mapatunayang totohanan ang nais ni Pangulong Aquino na pagbabago.

oOo

May bago ba kung maibalita na may nasakote na namang palusot na kargamento ang mga tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon?

Alam naman natin na pagdating sa trabaho, walang kupas ang husay ni Biazon at siyempre kasama ang kanyang mga tauhan sa Intelligence and Investigation Service sa pangunguna ni Deputy Commissioner Danilo Lim na may nasabat na namang dalawang 40-footer container van na naglalaman ng mga plywood na nagkakahalaga ng halos P1.6 milyon.

Ang mga kontrabando na galing sa Shandong, China ay dumating sa Manila International Container Port noong November 30, 2012 na naka-consign sa Dragon Clash Enterprises sa Sta. Cruz, Maynila na nang buksan kahapon ay nabatid na mga plywood gayong nakadeklara itong mga particle board.

Hay naku, walang kadala-dala itong mga smuggler na ito. Dapat ay magbago na sila dahil ngayon ay tiyak na ang pagtahak sa “tuwid na landas” ng mga taga-Aduana sa ilalim ni Biazon.

Kapag nagtuloy-tuloy sila sa maling gawain, hindi na pansitan ang kanilang babagsakan tiyak na kulungan.

Commissioner Biazon, tuloy-tuloy lang ang trabaho dahil sa bandang huli, ikaw rin ang panalo sa puso ng mga Filipino.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply