PNoy, tinalo pa si GMA sa rekord ng pamamaslang sa mga progresibong maralita

SA kanilang kilos protesta ngayong umaga kasama ang iba’t ibang sektor kasabay ng selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, muling iginiit ng militanteng grupong Kadamay ang pagpapatalsik kay Pangulong Aquino.

Naitala umano sa ilalim ni Aquino ang hindi bababa sa 13 kaso ng pamamaslang sa mga progresibong maralitang lungsod sa buong bansa.

Nahigitan pa umano ni Aquino ang nagdaang administrasyong Arroyo sa
mahigit dalawang taon pa lamang nito sa katungkulan sa bilang at
grabidad ng atake sa kanilang sektor.

Isang higanteng streamer ang planong isabit ng grupo sa may paanan ng
Mendiola laman ang panawagan ng pagpapatalsik sa pangulo.

Ayon sa Kadamay, noong 2011 ay 6 na progresibong maralita ang pinaslang ng mga nasa awtoridad kaugnay sa usapin ng paninirahan.

Ngayong taon ay naitala naman ang 7 bagong kaso ng pamamaslang
kabilang na ng isang 15-anyos na maralita sa isang barikada sa San Roque, Tarlac City.

Sa Metro Manila, 10 progresibong maralitang lungsod ang pinaslang ng
awtoridad sa ilalim ni Aquino habang wala ni isang progresibong maralita ang naitalang pinaslang sa mahigit 10 taong panunungkulan ni Arroyo sa sentrong rehiyon.

Hindi na ikinagulat ng Kadamay ang ganitong bilang kasabay ng lumaking
bilang ng mga komunidad ng maralita na naharap sa banta ng demolisyon
dahil sa iba’t ibang Public-Private Partnership projects ni Noynoy. Sa
ilalim ni Aquino, hindi bababa sa 50 komunidad ng maralita ang dumanas
ng mararahas na demolisyon sa Metro Manila ayon sa Kadamay-NCR. At
halos sa bawat siyudad sa bansa ay may nagaganap na pagpapalayas sa
mga maralita mula sa kanilang komunidad sa ilalim ni Aquino.

“Wala makakapagbago sa miserableng kalagayan ng maralita kundi ang
pagpapatalsik kay Aquino sa Malacanang,” ani Carlito Badion,
pangkalahating-kalihim ng Kadamay.

Tama na umano ang pagpoposturang makatao ng administrasyong Aquino, habang unti-unting pa nitong pinapatay ang mga maralita sa pagtatapon sa kanila sa mga relokasyong walang kabuhayan, at sa pagsasapribado ng mga batayang serbisyo kabilang na ang mga pampublikong ospital.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply