‘Political career ni Pacman, maaari ng tutukan’–Kadamay

NAGPAHAYAG ng pakikiramay sa milyong maralitang Pilipino ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pagkatalo ngayong hapon ng kanilang idolo ng masang si Manny Pacquiao.

Ayon sa Kadamay, milyun-milyong maralitang lungsod ang nanood sa laban ni Pacquiao at Marquez ngayong hapon sa iba’t ibang lugar sa buong bansa. Sa bawat eskinita sa mga komunidad ng maralita, maririnig umano ang iba’t ibang reaksyon ng mga maralita hinggil sa pagkatalo ni Pacman.

Ayon sa grupo, si Pacquiao ang natatanging idolo ng bawat maliliit na Pilipinong nagnanais magtagumpay sa kabila ng matinding kahirapang dinaranas nila sa buhay.

“Ang bawat panalo ng dakilang boksingero, liban sa nagbigay ng milyung-milyong dolyar sa mga negosyante sa larangan ng world boxing, ay nagsilbing panlibang sa mga maralitang punung-puno na sa kahirapang kanilang dinaranas,” ani Carlito Badion, lider ng Kadamay.

Ngunit tulad umano ng mga maralitang sanay na sa pagkabigo ng kanilang mga pangarap sa ilalim ng kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon, malaki pa rin ang paniniwala ng mga maralita na hindi pa tapos ang laban ng kanilang idolo.

“Ito na marahil ang hudyat ng pagreretiro ni Pacman sa boxing upang matutukan naman niya ang pagsisilbi sa loob ng Kongreso para sa milyun-milyong maralitang tulad niya,” dagdag ng lider.

Gayong bihira lang ang mga Pilipinong nagtatagumpay ng malaki sa larangan ng pandaigdigang boxing, bihira lang din umano ang mga kagaya ni Pacman sa loob ng Kongreso na nagmula sa uring anakpawis.

“Siya at ang iilang militanteng mambabatas lang umano ang inaasahan nilang magtaguyod ng mga maka-maralitang batas tulad ng makabuluhang dagdag-sahod para sa mga manggagawa at iba pang matagal ng nakabinbing batas sa loob ng Kongreso,” ani Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply