Pulis mauubos sa banta ng bagong PNP chief

_lily reyes

NANG pormal na isalin ni dating Philippine National Police chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome kay bagong PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima,  ang liderato ng pulisya ay maraming pulis ang natakot hindi dahil mahigpit ang bago nilang hepe.

Sa nasabing turn-over  ay sinabi  ni Purisima sa mga pulis na kailangan nilang magbago at tigilan na ang paggawa ng kasamaan at katiwalian dahil hindi siya mangingimi na sibakin ang mga ito sa kanilang puwesto at trabaho.

Lalong  dumami ang kinabahan at natakot  hindi dahil sa gumagawa sila ng masama at marami sa kanila ang mga tiwali kundi natakot sila dahil  sa mga naunang pahayag ng bagong hepe ng pulisya na ipagbabawal niya sa mga pulis ang maraming asawa o babaero dahil ayaw niya ng imoralidad sa kanyang pamunuan.

Alam ng ating mga kapulisan  na talagang mahigpit at may disiplina itong si Purisima kung kaya’t tototohanin nito ang binitiwang mga salita.

Kapag tinotoo ng bagong PNP Chief ang kanyang mga sinabi, aba, magugulat na lang tayo kung wala na tayong makitang pulis sa mga  headquarter, presinto o sa lansangan at kung mayroon man ay mabibilang mo sa daliri.

Hindi naman kaila sa madla na marami sa mga pulis ang may maraming asawa at ibinabahay na kabit na naging kalakaran na rin naman sa lipunang kanilang ginagalawan, kaya nga  maraming nakabinbin na reklamo sa tanggapan ng  Women’s and Children’s Desk ng Camp Crame laban sa mga pulis na nakabuntis subalit ayaw namang magsustento sa mga anak nila.

Gen. Purisima, sir, may nagpapatanong lang po kung sino raw   itong si alyas “Pat”.

Kapag, itinuloy ni Gen. Purisima ang kanyang panuntunan na bawal ang imoralidad, tiyak na mauubos ang ating mga pulis ngunit sa isang banda, ang hakbang na ito ng bagong PNP chief ay talagang maganda dahil ang mga pulis ang dapat maging ehemplo ng moralidad sapagkat sila rin naman ang dapat na umaresto sa lumalabag dito.

Pero teka, may nagbulong sa inyong lingkod na may mga kaklase sa Philippine Military Academy Class ’81 at kaibigan sa PNP si Puring na may mga kabit at ibinabahay rin.

Ang tanong: Kaya niya bang suhetuin at tanggalin sa puwesto ang mga ito gayong mataas din ang posisyon ng mga ito sa PNP?

Aba’y malaking hamon sa lide-rato ni Gen. Purisima na maging matatag siya sa kanyang mga binibitiwang salita at panuntunang paiiralin bilang pinakamataas na puno ng PNP.

Parang napakahirap yatang mangyari ang mga sinabi nitong si Gen. Purisima.

Unang-una na ang pagiging babaero ng mga pulis.

Pangalawa ay ang paggawa ng katiwalian, dahil aminin man natin o hindi, karamihan sa mga bagong pulis ngayon  ang dahilan kung bakit  sila pumasok dito ay dahil sa “katiwalian” at sa intelihensiya bukod pa sa pansariling interest.

Aabangan at aasahan po namin, Gen. Purisima, na magiging patas po sa lahat ng ating mga pulis, opisyal man o hindi, PMAer man o PNPA at  kaibigan man o hindi  ang inyong mga binitiwang salita.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply