Pulis na nakaaresto sa pumatay sa magpinsan, na-promote

TINIYAK kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director General Leonardo Espina na magkakaroon ng spot promotion ang mga pulis na nakaaresto sa salarin na pumatay sa magpinsang menor de edad sa Caloocan City .

Ang pahayag na ito ni Espina ay sinabi mismo ng heneral sa harap ng media nang iharap ng mga awtoridad ang suspek na si Gilbert Fulloso alyas Berto, 25-anyos, at residente ng Padas Alley, Brgy. 12 ng nasabing lungsod.

Ayon kay Espina, nararapat lamang na mabigyan ng spot promotion ang mga pulis na nakaaresto sa suspek nang sa gayon ay maging halimbawa ito sa iba pang tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang galingan ng mga ito ang kanilang trabaho.

Kabilang sa mga posibleng mabigyan ng spot promotion sina Chief Insp. Rodrigo Soriano, Senior Insp. Enrique Torres, SPO4 Arnold Gonzales at SPO3 Joemar Ronquillo ng Caloocan City Police.

Kasama rin sa mabibigyan ng promotion ay sina PO1 Mark Angelo Encisa, SPO2 Godofredo Encisa at PO3 Alfredo Lauriano Natividad, pawang mga intelligence officer ng Polangui, Albay.

Base sa record ng pulisya, ang suspek na si Fulloso ang itinuturong suspek sa pagpatay sa magpinsan na sina Diana Rose Liza, 15-anyos at Joanna Marie Conrado, 10-taong gulang, naninirahan din sa naturang lugar.

Napag-alaman pa na si Liza ay nagtamo ng 59 na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang pinsan nitong si Conrado ay nagkaroon naman ng 23 saksak sa katawan na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga ito.

Sa ulat ng pulisya, dakong 7:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng magpinsan sa loob ng bahay ng pamilya ni Liza kung saan ay dadalhan sana ng pagkain ang magpinsan ng kapatid ni Conrado.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply