Puro pangako wala palang job order

bantay ocw

NAGTUNGO sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM si Cherry Ramos, dating OFW mula Riyadh at ngayo’y aplikante bilang household service worker patungong Qatar, KSA.

Hulyo 2012 pa nag-apply si Cherry subalit nito lang Disyembre sumagot ang lokal na ahensyang Asean Management and Technical Services Inc.  hinggil sa estado ng kanyang aplikasyon at inaalok na naman ito ng patrabaho alinman sa mga bansang Kuwait, Riyadh o Dammam.

Matapos niyang makapagpamedikal, ibinigay rin niya ang kanyang pasaporte at ilan pang orihinal na mga dokumento sa ahensiyang Asean. Nang magdesisyon si Cherry na bawiin na ang aplikasyon, binanggit ni “Evelyn”, ahente ng Asean, na nakapanghihinayang naman kung hindi niya ito itutuloy dahil magsisimula siyang muli sa mga proseso. Nag-isip-isip naman si Cherry na ‘di hamak na mas nakapanghihinayang ang halos kalahating taong ipinaghintay niya. Pati na rin ang oportunidad na sana’y nakahanap pa siya ng ibang trabaho.

Agad na inalam ng Bantay OCW kung may job order ang Asean agency sa Philippine Overseas Employment Administration.
Ayon sa kanilang Information Division, walang job order ang alok na patrabahong domestic helper ng Asean dahil hindi rehistrado ang counterpart nito na Altmaiz sa Qatar. Nang makausap ng Bantay OCW si Jen Diaz, isa pang ahente ng Asean, nakipagkasundo ito na ibabalik ang lahat ng mga ipinasang dokumento ni Cherry subalit kailangan niyang magbayad ng P1,200 para sa medical fee.

Ayon naman kay Cherry, wala siyang alam na sisingilin pala siya sa pa-medical niya dahil wala iyon sa usapan nila.

Matapos naming makapanayam si Cherry on-the-air sa Radyo Inquirer, agad naming pinatawagan ang Asean agency at ipinababawi namin nang ‘di na kailangang singilin pa si Cherry kapalit ng kanyang pasaporte at iba pang mga dokumento.

Mabilis namang pumayag ang Asean na isasauli na lang kay Cherry ang mga dokumento nito at hindi na nila ito sisingilin pa.
Umaasa kaming tutuparin nila ang kanilang pangako, dahil napakatagal na nilang pinaasa-asa ang ating kabayan at wala naman palang trabahong naghihintay sa kanya, dahil wala naman pala itong job order para sa mga bansang ipinangako nila dito.

Naipagbigay alam na rin namin kay Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA ang reklamong ito laban sa Asean agency.
‘Di na Kailangang Gumawa pa ng Ibang mga Dahilan!

Nag-aalalang lumapit sa Bantay OCW program ng Radio Inquirer 990AM si Ricky Paz, asawa ng OFW na si Evelyn na nagtatrabaho bilang household service worker sa Kuwait. Maraming binanggit na dahilan si Ricky kung kaya’t gusto niyang mapauwi na sa lalong madaling panahon ang asawa.

May sakit umano ang mga magulang ni Evelyn kaya gusto na rin ng ating kabayan na makauwi na ito. Nang tanungin kung ano ang sakit ng kanyang mga magulang, inamin ni Ricky na hindi naman ganoon talaga kalubha ang sakit nila. Ang tunay na dahilan ‘anya kung bakit gusto nang umuwi ni Evelyn ay dahil na rin sa kawalang sahod sa nakalipas na dalawang buwan kaya’t hindi na niya nakakayanan ang trabaho.

Matapos makuha ang kumpletong detalye hinggil sa mga reklamo ni Evelyn, ipinaliwanag ng Bantay OCW na lehitimo naman ang kagustuhang pag-uwi ng kanyang maybahay, yamang hindi nasunod ang nakasaad sa kontrata nito. Agad namang ipinagbigay-alam ng Bantay OCW kay Labor Attache David Des Dicang ng ating Philippine Overseas Labor Office ang reklamong ito upang imbestigahan ang sumbong ni Ricky para sa asawang si Evelyn at makuha na rin ang panig ng employer.

Naka-monitor na rin ang tanggapan ni Adminstrator Hans Leo Cacdac ng POEA, sa lokal na ahensyang Tiffany International Services, Inc., na nagpaalis kay Evelyn upang agad na maaksyunan ang kasong ito.

Kung hindi mareresolba ang problema sa Kuwait, oobligahin ng POEA ang ahensiyang Tiffany International na magpadala ng plane ticket para kay Evelyn, dahil ayon sa batas, sila pa rin ang mananagot sa ating OFW anoman ang mangyari sa kanyang pag-a-abroad at pauwiin ito sa lalong madaling panahon.

* * *

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Mon-Fri 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City Tel. Nos: 5357209/ 8819423/ 0927.649.9870 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply