Raffle sa partylist slots sa Enero na – Comelec

comelec logo

SA halip na ngayong Disyembre ay posibleng sa Enero na ituloy ng Commission on Elections (Comelec) ang raffle sa partylist slots sa mga balota para sa 2013 midterm polls.

Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, chairman ng raffle committee, kinakailangan muna nilang matapos ang paglilinis sa partylist system bago maisagawa
ang raffle.

Ipinaliwanag ni Sarmiento na sa ngayon ay may mga nakabinbin pa silang trabaho at maaaring sa unang bahagi na lang ng Enero matuloy ang raffle.

Aniya, hindi nila maaaring isagawa kaagad ang raffle kung hindi pa sila tapos sa paglilinis sa mga partylist dahil maaaring mayroon silang ma-miss o di kaya ay may maisama pang grupo na hindi naman dapat na maisama.

Sa Comelec Resolution No. 9572, itinakda ng poll body ang raffle para sa party-list slot sa mga balota sa Disyembre 17, dakong 1:30 ng hapon.

Ito ang unang pagkakataon na gagamit ang Comelec ng raffle para tukuyin kung magiging pang-ilan sa balota ang pangalan ng isang party-list group.

Noon ay alphabetical order ang pagpupuwesto ng pangalan ng mga party-list sa balota ngunit napansin ng poll body na karamihan sa mga grupo ay gumagamit ng pangalang nagsisimula sa letrang A o di kaya ay numerong 1.

Nais kasi ng mga ito na mauna sa listahan sa balota, sa paniwalang mas madaling makikita ng mga botante ang kanilang pangalan at sila ang pipiliin ng mga ito na ihalal.

Nabatid na sa 84 na grupo na pinayagan ng Comelec na tumakbo sa eleksiyon sa susunod na taon ay 49 ang may pangalang nagsisimula sa letrang A habang siyam naman ang nagsisimula sa number 1.

Isang raffle drum na may mga ping pong balls na may numero ang gagamitin sa pagra-raffle at pagtukoy kung magiging pang-ilan sa balota ang isang kandidatong party-list group.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply