Right-of-reply papalagan ng NPC

npc hq

MARIING tututulan ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang anumang pagtatangkang isiksik sa Freedom of Information (FOI) bill ang right-of-reply (ROR) provision na isinusulong ng Malakanyang at mga kaalyado nito sa kongreso.

Kasabay ng panawagan na ito, pinapurihan naman ng Club ang agarang pagpasa ng Senado noong Lunes sa SB 3208 o “POGI Act of 2012” na siyang “counter-part bill” ng FOI   bill na patuloy pa ring nakabimbin sa Kongreso.

Lubos na ikinagalak ng grupo, sa pamumuno ni NPC President Benny Antiporda ang pagkakapasa ng panukalang batas na wala ang kontrobersiyal na ROR provision.

“Dapat lang na purihin ng media at bawat Pilipino ang ginawang pagpasa ng Senado sa ilalim ng liderato ni Senate President Juan Ponce Enrile at inisyatiba ni Sen. Gregorio Honasan, sa SB 3208. Bagaman tutol ang Malacanang na maisabatas ang FOI, muling ipinakita ng Senado ang pagiging índependent’ nito sa ehekutibo. Ang pagpasa ng SB 3208 ang una at tamang hakbang tungo sa pagkakaroon ng sinsero at makatotohanang pamamalakad sa gobyerno,” pahayag ni Antiporda.

Layon ng panukalang batas na inakda ni Sen. Honasan, na bigyan ng higit na kalayaan ang mga miyembro ng media at mga ordinaryong tao na makakuha ng mga datos at impormasyon hinggil sa mga transaksyon sa gobyerno sa pamamagitan ng “people’s ownership of government information” (POGI).

“Isa na ito sa pinakamagandang “aginaldo” sa sambayanan ng ating Senado ngayong Pasko.”

Ayon pa kay Antiporda, pinupuri rin ng media ang pagtitiyak ni Sen. Honasan na “babantayan” at bibiguin nito ang anumang pagtatangka ng  mga kaalyado ng Malacanang na “maisingit” ang ROR provision na siyang gustong mangyari ni Pang. Noy Aquino.

Aniya pa, dapat na ring “makonsensiya” ang mga miyembro ng Kamara at tularan ang ipinakitang ehemplo ng Senado patungkol sa FOI bill na nakapasa lamang sa “committee level.”

“Hindi natin papayagang makalusot ang right-of -reply na ito. Bagaman maliit ang pag-asa na maipasa ng Kongreso ang FOI bill dahil sa pakikialam ng Malacanang, harinawang ‘kurutin’ ang konsensiya ng ating mga mambabatas at tularan nila ang ginawa ng Senado,” banggit pa ni Antiporda.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply