Sa mga bagong bayani: Pamilya muna bago ang sarili

dennis-legaspi-pulso

MARAHIL ay wala nang hihigit pa sa pakiramdam na makauwi ka sa sarili mong bayan upang makapiling ang pamilya at makasalo sila sa taunang ginaganap na “noche buena.”

Sino nga ba ang hindi masasabik na mayakap ang sariling anak at makapiling ang iyong kabiyak sa tuwing sasapit ang tinaguriang “pinakamasayang araw na pagdiriwang sa mundo ng Kristiyanismo.”

Iyan eksakto ang aking nararamdaman sa pag uwi ko
dito sa Olongapo upang ipagdiwang ang Pasko.
Makakasama ko ang aking isang-buwang anak na si Francis Deinmel at ang aking kabiyak na si Jesica at iba pang mga kamag-anak na noong nakaraang linggo pa ay inaabangan na ang aking pagdating.

Subalit sa kabila ng aking pagkagalak na ito, nararamdaman ko ang kirot at lungkot ng marami sa ating mga kababayan na nagdiriwang ng kanilang kapaskuhan malayo sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sila ay ang milyon-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagsasakripisyong magpaalila, makuba at magpakahirap sa dayuhang lugar, matustusan lamang at masolusyunan ang mga problemang pinansyal sa kanilang mga tahanan.

Nais ko pong ipahayag ang aking pagpupugay, pagbibigay-halaga at ang akin na ring pasasalamat sa mga OFWs nating walang-sawang nagpapakapagod, sa ngalan ng kanilang pagmamahal sa kanilang pamilya.

Kabilang po ang aking minamahal na ina at kapatid na babae sa hanay ng mga bagong bayaning ito.

Kulang ang espasyo sa kolumn na ito upang masuklian ko ang kabayanihang inyong ipinamalas sa nakalipas na mga panahon. Pamilya muna bago ang sarili, yan ang inyong battlecry.

Salat ako sa sa mga salitang makapagpapawi o makapagbabawas man lng ng inyong luha, kalungkutan at lubos na pangungulila sa tuwing nakakausap o nakaka-chat ninyo ang mga naiwang mahal sa buhay sa telepono man o sa internet.

Balang araw, naniniwala at nananalig akong bubuti din ang sitwasyon dito sa ating bansa. Panaginip ko na mawala na ng tuluyan ang kundisyon na nagpuwersa sa inyong mangibang bayan at makipagsapalaran dyan.

Balang araw, makukuntento kayong dito na lamang magpursige, kumayod at mag hanapbuhay.

Tulad nga ng sinabi ng isang kilalang obispo, “Lahat ng nangyayari sa ating buhay ay may rason, na ang tanging makapagpapaliwanag ay ang Panginooon.

Kung paano, saan at kailan ay ating malalaman, sa takdang panahon na siya lamang ang may alam.”

Mabuhay po kayong lahat na OFWs natin  at Maligayang Pasko po!

Bukas po ang inyong lingkod sa anumang hinaing, reklamo o komento. Maaaring mag-email lamang sa pulsonyo@gmail.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply