Salamat

square-nelson-flores

SALAMAT sa Diyos at naipasa rin sa wakas ang kontrobersyal na Reproductive Health Bill matapos ang 12 taon na pagkabinbin nito sa Kongreso. Salamat at hindi nagtagumpay ang puwersa ng kadiliman na pilit ipinakikilala ang sarili bilang taga-pagdala ng liwanag pagdating sa isyung ito.

Salamat sa mga magigiting na kumilos sa loob at labas ng Kongreso para maipasa ang batas na ito. Salamat sa lahat ng mga sumuporta sa RH at sa mga walang sawang nagpaliwanag sa taumbayan ng mga importanteng punto kaugnay ng batas na ito.

Para naman sa mga hindi tumangkilik ay salamat din sapagkat kung hindi dahil sa inyo ay hindi magkakaroon ng debate sa mga pondohang bayan at hindi maliliwanagan ng sambayanan ang isyu tungkol dito.

Ang hindi ko pinasasalamatan ay ‘yung mga congressman na nag-abstain o hindi nagpakita sa Kongreso sa panahon ng botohan. Isipin na lamang na sa ganitong kabigat na isyu ay wala silang paninindigan. Sinayang nila ang tiwala ng bayan. Dapat sa kanila ay sa kangkungan pulutin sa darating na halalan.

* * *

Ang batas ng RH ay nag-aatas sa pamahalaan na magbigay ng tamang impormasyon tungkol sa pagpaplano ng pamilya, suporta sa mga ibig magplano ng pamilya at pag-aaral tungkol sa pagpaplano ng pamilya.

Hindi po totoo na pinapayagan ng batas na ito ang abortion o pagpapalaglag ng sanggol tulad ng ikinakalat ng mga laban sa batas na ito. Dahil sa batas na ito ay magkakaroon ng kapangyarihan ang taumbayan, lalo na ang mga kababaihan, na magpasya kung paano paplanuhin ang kanilang pamilya o kung ibig nila o hindi magkaroon ng anak.

Ang kapangyarihang ito ang labis na ikinatatakot ng reaksyonaryong bahagi ng Simbahang Romano Katoliko.

* * *

Disyembre na subalit nananatiling mainit at parang panahon pa rin ng tag-araw ang mga araw. Ito ay malinaw na patotoo sa sinasabing climate change na nagaganap sa buong daigdig.

Ang climate change ay umusbong dahil sa walang habas na paggamit ng carbon bilang pinagkukunan ng lakas na nagpapatakbo ng mga makina’t sasakyang pan-lupa, dagat at himpapawid. Dahilan rin ang abusadong pagputol ng mga punongkahoy at pagmimina.

Kung hindi magbabago ang maling pakikitungo natin sa kalikasan ay asahan natin na mas magiging masahol ang kalagayan sa hinaharap. Ang mga bagyong si Ondoy at Pablo ang panimula lamang at parang picnic sa parke kung ikukumpara sa mga nakaambang panganib na ihahatid ng climate change sa hinaharap.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *
Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply