“Second collection”, ilulunsad ng Manila Archdiocese para sa mga biktima ng bagyo

MAGSASAGAWA ng ‘second collection’ sa lahat ng banal na misa ang mga simbahang sakop ng Archdiocese ng Manila simula bukas, Linggo, Disyembre 9, para sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Visayas at Mindanao, alinsunod na rin umano sa kautusan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Ayon kay Fr. Anton Pascual, pangulo ng church-run Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila, ito’y upang madagdagan pa ang pondo na maipapadala sa mga typhoon victims gayundin sa rehabilitation program sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.

Kasabay nito, iniulat na rin ni Pascual na magbibigay ang Caritas Manila, na siyang social arm ng Archdiocese of Manila, ng inisyal na P1 milyon para sa mga biktima ng bagyo.

Sinabi ni Pascual na magpapadala ang Caritas Manila ng initial financial support sa Diocese ng Tagum na nagkakahalaga ng P300,000, P300,000 para sa Diocese ng Tandag, P200,000 sa Diocese ng Butuan at P200,000naman para sa Diocese ng Mati.

Ayon kay Pascual, ang cash assistance ay ipadadala sa mga Social Action Centers ng Diocese ng Tagum, Tandag, Mati at Butuan para sa mga pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo tulad ng pagkain at gamot.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Caritas Manila sa National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at mga Social Action Centers sa Mindanao para mapabilis ang tulong na ipapadala sa mga apektadong lugar sa Visayas at Mindanao.

Tiniyak rin niya na maglalabas pa silang muli ng karagdagang pondo para sa mga typhoon victims.

“Kailangan natin ng “staging area” kung saan dun natin ilalagay yung ating mga funds tapos sila ang mamamahala ng distribution dito dahil mahirap ang communication and transportation gayundin sa pagbili ng gamit dito sa ating mga liblib na parokya at mga baryo kaya initially magri-release ang Caritas Manila ng P1 milyon at magre-release pa tayo ng additional funding kaya ang ating Cardinal Tagle sa Archdiocese of Manila ay magkakaroon ng second collection sa mga misa in order to have more funds para sa ating mga kababayan sa Mindanao na biktima ng bagyo lalong lalo na para sa Rehabilitation program,” ayon pa kay Pascual.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply