Senator Drilon, binira ng mga maralita

BINIRA ng miltanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay si Senator Franklin Drilon, ang acting chair ng Ways and Means Committee sa Senado, sa naganap na pag-aapruba ng Bicameral meeting ng Kongreso sa kontrobersyal na Sin Tax Bill.

Ayon sa grupong Kadamay, palabas lang umano ng senador at ng administrasyong Aquino ang layuning mapahusay ang serbisyong pangkalusugan sa pagpapataw ng Sin Tax sa sigarilyo at alak na sisimulan na sa darating na taon.

Ayon kay Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng grupo, pinagtatakpan umano ng maka-kalusugang imahe ng Sin Tax Bill ang planong malawakang pagsasapribado ng mga pumpublikong ospital at serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Universal Health Care Program ng administrasyong Aquino

Si Drilon, na kasalukyang chairman ng Liberal Party, ang siya ring may-akda ng Senate Bill 3031 na naglalayong ikorporatisa ang 26 na pampublikong ospital sa bansa. Inaasahan umano ng Kadamay na madaliin na rin gubyerno sa pangunguna ng senador sa darating na mga araw ang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital matapos maipasa ang Sin Tax Bill.

33.96 bilyong piso mula sa Sin Tax sa taong 2013

Sa taong 2013, inaasahang 33.96 bilyong piso ang malilikom ng gubyerno mula sa paniningil ng Sin Tax. 80% umano nito ay maupunta sa national health care program ng gubyerno, habang 20% naman ang ilalaan para sa medical assistance program ng DOH sa mga distrito at probinsya.

Ayon pa sa gubyerno, nasa 5.2 milyong pamilya umano ang makikinabang sa pondong malilikom na Sin Tax na mapupunta sa programang Philhealth ng gubyerno.

Maliit na 2013 Health Budget

Ayon sa Kadamay, hindi nangangahulungan na sakaling ilaan ng gobyerno ang koleksyon mula sa Sin Tax para sa serbisyong pangkakalusugan ay lalaki na ang health budget ng gubyerno.

Nananatili pa rin umanong malayo ang 56.8 bilyong pisong pondong napunta sa Department of Health sa taong 2013 sa budget na inirerekomenda ng World Health Organization na 5% ng GDP ng bansa o 527 bilyong piso.

Sa darating na taon ay plano na ring alisin ng gubyerno ang mga charity wards sa mga pampublikong ospital na ayon sa Kadamay ay nangangahulugan lamang ng pagkamatay ng napakaraming maralitang pasyente.

PDP 2011-2016

“Sa halip na sila ang patawan ng buwis, patuloy pang binibigyan ng gubyerno ang malalaking negosyante ng pagkakataong kumita ng limpak-limpak na salapi sa planong pagsasapribado ng mga serbisyong pangkalusugan at ospital sa bansa,” ani Badion.

Dagdag pa ng lider, ang unti-unting pagtalikod ng gubyerno sa paglalaan ng mga batayang serbisyo para sa mamamayan sa pamamagitan ng iba’t ibang Public-Private Partnership projects, at ang pagpapataw ng buwis (regressive tax) sa mga maralita ay bahagi ng Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino.

“Alinsunod ang mga hakbang na ito sa dikta ng Asian Development Bank at World Bank na naglalayong makatipid ang gubyerno at makalikom ito ng sapat na pondo upang matiyak ang pagbabayad utang ng bansa sa mga nasabing bangko,” ayon kay Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply