Showbiz 2012

comedy-king-dolphy

SAMU’T SARING emosyon ang idinulot ng showbiz sa mga Pinoy ngayong 2012. May nakakainis, may nakakalungkot at mayoon ding nakatutuwa at nakakikilig.

Ilan lamang sa nagpaluha at nagpalungkot sa madla ay ang pagpanaw ng ilang miyembro ng industriya ng Pelikulang Pinoy.

Pinakamalaking balita sa mga ito ay ang pagpanaw ng tinaguriang Comedy King na si Rodolfo Vera Quizon o Tito Dolphy.

Tinutukan ng lahat ang pagkakasakit ni Tito Dolphy, mula ng maospital ito sa Makati Medical Center (MMC).

Ayon sa ulat, mayroong chronic obstructive pulmonary disorder (COPD) ang Hari ng Komedyang Pinoy.

Bilang pagkilala sa malaking naiambag ni Pidol sa industriya ng showbiz ay idineklara ng Malakanyang na “Day of Remembrance” ang Hunyo 13, kasabay ng kanyang libing.

Nalungkot din ang industriya sa pagpanaw ng ilang mahuhusay na direktor gaya nina Marilou Diaz-Abaya, Celso Ad Castillo at Mario O’Hara.

Marami naman ang nainis at naasar sa awayang Tulfo vs Barretto-Santiago.

Mayo nang maganap ang “gulo sa airport” kung saan nagkasakitan ang broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo at ang kampo nina Raymart Santiago at Claudine Barreto.

Sa panig ni Mon Tulfo, nakita niyang binabangayan ni Claudine ang mga staff ng airport dahil sa nawawala niyang bagahe. Bilang mamamahayag at public figure naman si Claudine, kinuha ni Mon ang kanyang cellphone at kinunan ng larawan ang pagtatalak ng actress sa mga ground steward.

Doon nagsimula ang rambulan. Hanggang ngayon hindi pa natutuldukan ang giyera sa pagitan ng magkabilang panig.

Nabuwisit din ang mga Pinoy sa kamuntikang pagkapanalo ni Jessica Sanchez sa American Idol Season 11 na si Philip Philips ang itinanghal na grand champion.

Wild ang mga komento ng mga Pinoy, hindi lang sa Amerika at Pinas, kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo na sumubaybay sa American Idol.

Paniwala ng mga Pinoy, si Jessica dapat ang nanalo sa AI.

Ganito rin ang palagay ng maraming Pinoy sa pagkatalo ni Miss Philippines Janine Tugonon kay Miss USA Olivia Culpo na itinanghal na Miss Universe 2012 na ginanap kamakailan sa Las, Vegas Nevada.

Ayon sa mga nakapanood ng Miss U, si Janine ang may pinakamahusay na sagot sa mga kandidatang nakalaban niya sa Top 5 ng Miss U.

Gayunman, kapwa masaya sina Janine at Jessica sa resulta ng patimpalak na kanilang sinalihan.

Pinakilig naman ng husto ng kasalang Carmina Villaroel at Zoren Legaspi ang lahat ng Pinoy. Ilang araw pinag-usapan sa iba’t ibang social networking site ang surprise wedding na inihanda ni Zoren para sa kanyang misis.

Ilan pa sa nagpakasal ngayong taon sa showbiz ay sina Precious Lara Quigaman at Marco Alcaraz; at Valenzuela City Councilor at TV host Shalani Soledad at Pasig Rep. Roman Romulo.

Pebrero naman nang lumabas annulment ng kasal nina Queen of All Media Kris Aquino at basketeer na si James Yap.

Malaking isyu rin ngayong 2012 ang hiwalayan-balikan nina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao na tuluyan ding natuldukan sa huli.

Kasunod lang nito ang hiwalayang Angelica Panganiban at Derek Ramsay (na mula ABS-CBN ay over da bakod na sa TV5). Tinapos nila ang mahigit limang taong relasyon nila. Kapwa todo-tanggi ang dalawa na third party ang dahilan ng kanilang breakup.

Ilang buwan lang ang lumipas at lumutang ang balitang sina John Lloyd at Angelica na. Noong una ay maingat sila sa pagsasalita tungkol sa namumuong relasyon nila. Ngunit kalaunan ay inamin din nila na masayang-masaya sila sa piling ng isa’t isa.

Naghiwalay din ng landas sina Matteo Guidicelli at Maja Salvador; Bianca Manal-John Pratts; at Bianca King-Dennis Trillo.

Isa rin sa pinag-usapan ay ang relasyong Heart Evangelista at Senator Chiz Escudero.

Sa umpisa, kumalat ang larawan ng dalawa na huling nagde-date. Makailang ulit na itinanggi ng dalawa na may relasyon sila. Subalit, lumabas din ang totoo at yun nga, may relasyon nga silang dalawa.

Umani rin ng batikos si Megastar Sharon Cuneta, matapos na sagutin o patulan ang kanyang mga basher sa Twitter.

Ayon sa mahusay na aktres fans ni Piolo Pascual, dating dyowa ng kanyang anak na si KC Concepcion, ang mga naninira sa kanya at sa kanyang anak sa naturang social networking site.

Para sa nakararami (base sa mga naglabasang artikulo sa pahayagan, online site), hindi na dapat pumatol pa ang Megastar sa anila’y “ka-cheap-ang” awayan sa Twitter.

May ulat pang lumabas na nagbanta pa umano ang aktres na isisiwalat niya ang umano’y “sikreto” ni Piolo kapag hindi siya tinigilan ng kanyang mga basher.

Instant sikat naman si Daniel Padilla, anak ni Rommel Padilla at pamangkin ni Robin Padilla. Bigla na lang sumikat si Daniel na ipinareha kay Kathryn Bernardo. Smaller version daw ni Binoe si Daniel kaya nakakikilig ang dating.

Maganda rin ang taong 2012 para kay Superstar Nora Aunor na itinanghal na Best Actress ng Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pinagbidahang movie na “Thy Womb”.

Masaya ang mga Noranian dahil nawala man ang magandang boses ng Superstar ay hindi naman kumukupas ang husay nito sa pag-arte, mapa-telebisyon man o pelikula.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply