Si Boyet G Jr, ang RH bill at ang paghihiganti

baletodo

ANAK ng pitumpo’t pitong puting tupa! Mukhang magkakaalaman na kung sino ang luno at sino ang may bayag sa usapin ng panukalang Reproductive Health (RHB) sa Kamara de Representate.

‘Yung luno ay buo nga ang katawan pero walang buto. Kumbaga sa alimango o alimasag, ang tigas at nakakasakit ang talim ng talukap pero kapag nagluno o nagpalit ng bahay sa katawan, singlambot ito halos ng gulaman. Kabaligtaran, ‘yung may bayag ay taong hindi marunong masindak harangan man ng sibat.

GAYA ng resulta ng botohan sa RHB, nanalo ang mga pro at natalo sa ang mga pari at obispo. Ngunit ang mahalaga na makita natin ngayon ay  kung tototohanin ni Neptali “Boy” Gonzales Jr. ang kanyang banta na parurusahan ng kanyang partido, ng Liberal Party (LP), ang sinomang susuway sa “utos” daw ni Pangulong Noynoy Aquino na todo-boto ang partido sa RHB. Halimbawa, hindi sila isasama sa P248 milyon na pork barrel para lang sa nasabing panukalang batas!

ANG tindi ni Boy G. Jr., ha. Garapal. KATAPATAN sa partido ang gusto niyang masunod ng lahat as in lahat. Kaya lang, kilala natin ang taong ito na sapul nang magsimulang pumasok sa pulitika nang matigok ang erpat niyang si Ka Tali, kada eleksyon palit-partido rin siya.

Talo niya ang paru-paro, balimbing, durian sa tindi ng pagkapit sa bawat bagong partido kaya naman palagi siyang panalo – dahil sa kasipsipan!

TOTOO, kailangan ang RH Bill pero di na kailangan na isabatas pa ito. Maraming ahensiya ang pamahalaan na magkakaugnay na iyan ang trabaho, una na ang Population Commission (POPCOM). Bakit hindi na lang ipamahala sa ahensiyang ito ang impormasyon, edukasyon, operasyon at mga kauring serbisyo na nakapaloob sa nasabing panukala? Nandiyan ang Department of Health at health services units na maaaring imobilisa lahat ang tao nila para abutin ang mga kababayan natin sa puno’t dulo ng bansa. Magkakaugnay na sangay ito at regular na ang mga tao, pasuweldo at tungkulin para sa ‘kontrol-anak.’

14 na taon, itinapon ang oras sa usapin ng repro-health bill. Sayang na oras, sayang na pera at sayang na pagkakataon. Mas maraming mahalaga na panukala ang maaaring gawin at pagtapunan ng oras at pagod. Ang mahahalagang imprastraktura na magbibigay ng maraming trabaho. Ang edukasyon na magpapasulong sa mga kabataan. Ang kalusugan na ikinamamatay ang mahal na gamot kaysa sakit. Ang mabagal na kalakalan dala ng mabagal na biyahe dulot ng araw-araw na malalang trapiko. Marami pa.

TULOY, mukhang totoo nga ang bulungan sa mga kapihan. Bilyong dolyar ang puhunan ng mga multi-national corporation na gumagawa ng mga birth control pill at mga kauring gamot. Sa sandaling maging batas nga ang RH Bill, walang duda, kikita ang mga dayuhang kompanya nang walang hirap man lang dahil direkta na ang transaksyon sa pamahalaan at direkta na rin ang pagkubra ng kapital at tubong lugaw nila. Tama ba ako Boy G. Jr.?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply