Si Pacman at kawatan sa tulong na pangkalamidad

benny antiporda

UUWI na ang natalong boksingerong Kongresman na si Manny Pacquiao.

Ito’y makaraang ma-check-up siya ng doktor nang makatulog siyang nakadapa sa malakas na suntok ng kalaban niyang si Juan Manuel Marquez.

Magpasalamat siya, at tayo na rin, sa kawalan sa mga araw na ito ng palatandaan na may masamang bunga ang suntok ni Marquez.

Welcome back, Pacman.

CONCENTRATE SA KONGRESO

Sa kanyang pag-uwi at saglit na pamamahinga, magandang isipin niya na marami nang mga araw ang nawala sa kanya ukol sa paggawa ng mga batas na pabor sa kanyang mga constituent at para sa bayang Pilipinas.

Sa Kongreso muna siya mag-concentrate.

Yun bang === pagpanday ng mga batas na pabor sa mamamayan.

Hindi masama na lingunin niya ang mga video ng kanyang laban upang malaman niya kung ano-ano ang kanyang mga pagkukulang sa training, taktika at iba pa.

At makapag-isip siya kung ano-ano ang mga gagawin niya sa kanyang susunod na laban versus Marquez.

‘Yan ay kung may susunod pa silang laban.

KALAMIDAD ANG DARATNAN

Kalamidad sa kanyang sariling distrito at kapaligiran ang daratnan ni Manny.

Hindi man napabalita na grabeng sinalanta ang kanyang distrito, maaaring may hihiling na taga-ibang distrito ng tulong sa kanya.

Ano-ano ang posible niyang gawin?

Kahit natalo siya kasi, sigurado ang kanyang naging kita at nagkakahalaga iyon ng nasa $25 milyon.

Kahit kalahati lang ang neto niya sa kita dahil sa mga buwis at iba pang pagkakagastusan niya, malaki pa rin ang kanyang iuuwi.

KALABISAN NA

O baka naman kalabisan na ang umasa sa kanya.

Kasi sa nakita nating pangyayari, ipinusta ni Pacman ang kanyang buhay.

Nakatatakot isiping ang dami nang namatay sa boksing at mapalad ang idol natin dahil pagkagising niya, nakangiti siyang bumati kay Marquez.

Ito’y matapos na magtanong siya sa paligid kung tapos na o hindi pa ang boksing hanggang sa dumating ang oras na ihayag si Marquez na siyang nanalo sa pamamagitan ng knockout.

HAYAAN ANG MGA ASUNGOT

Sari-sari ang mga reaksyon sa pagkatalo ni Pacman.

May nanggaling kay Mommy Dionisia.

May nanggaling sa mga boksingero.

Iba pa ang galing sa mga sugarol na nakipagpustahan sa pakikipagpatayan ni Pacman.

Dito kina Mommy Dionisia at mga sugarol tayo nakakita ng mga mahahalagang leksyon.

Ayon kay Mommy Dionisia, masama ang dating ng bagong relihiyon ni Manny.

Pinupuyat siya kasi ng mga pastor sa kababasa ng Biblia.

Pinatanggal pa nila ang suwerteng krus ni Manny.

Totoo kaya lahat ng ito?

Nagmurahan naman ang mga sugarol.

Ipinahamak umano sila ni Pacman.

Mula rito, idol Manny, mag-isip-isip ka.

Pero sabi nga nila, kung saan ka masaya, suportahan ta ka. Hehehe.

STATE OF CALAMITY

Alam na ng lahat na nagdeklara si Pangulong Noynoy ng national state of calamity.

Ito’y para hindi magdeklara nang kanya-kanyang state of calamity ang lahat ng mga lugar na sinalanta ng bag-yong Pablo at magamit nila ang kanilang mga pondong pang-kalamidad.

Panlaban din ito sa pagsasamantala sa kawalan sa mga lugar na nasalanta.

‘Yun bang === panlaban sa mga overpricing, hoarding at iba pang lalong makapagpapahirap sa mamamayan.

10 BUWANG PAGBANGON

Maganda ang deklarasyong state of calamity ng Palasyo at sana samantalahin ng mga kinauukulan ang paghango sa kamatayan, gutom, paghihirap at sakit sa lahat ng mga nasalanta.

Alalahanin na sinasabi mismo ng mga kinauukulan na aabutin ng 10 buwan ang minimum na pagbangon ng mga nasalanta.

Maaari ring aabot ng kung ilang taon kung iisipin ang mga magniniyog na kailangang mag-antay ng pitong taon bago sila makaani mula sa bagong tanim na niyog.

Ang mga magsasaging ay hindi rin gaanong makaaasa sa madaling pagbangon sa tagal ng pagkakaroon ng magbubungang saging mula sa bago ring puno.

Ang mga mangingisda na nawalan ng lahat ng mga bangka at net, hindi basta makapagpupundar muli ng mga gamit.

At ang mga nawalan ng tahanan, kasama ng mga hanapbuhay, tahanan at ama o ina ng tahanan, paano sila makababangon ng madali?

BUMUBUHOS  NA TULONG

Bumubuhos ang mga tulong mula sa sarili nating kababayan at mula sa mga dayuhan.

Makakayanan bang punuan ng lahat ng tulong ang bilyon-bilyong pisong nasirang ari-arian ng mamamayan at ayudahan ang mga nawalan ng maghahanapbuhay para sa mga namatayang pamilya?

MGA KAWATAN

Sana naman, hindi pumasok sa kukote ng mga suwapang, raketista, korap at mandarambong na magsamantala sa mga tulong ng iba sa mga biktima ng kalamidad.

Maging ang calamity funds ng mga pamahalaan ay hindi sana lulubog sa bulsa ng mga kawatan.

Kung magkakaroon ng mga kawatan, lalo na sa hanay ng mga nasa gobyerno at mga kasabwat nila, ano-ano ang mga dapat nating gawin sa kanila?

Pupuwede bang sila ang ipaanod natin sa baha at ilublob sa putik?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply