Siguridad sa Simbang Gabi tiniyak ni Recom

TINIYAK ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiveri ang kaligtasan ng mga dadalo sa “Simbang Gabi” na sinimulan kaninang madaling-araw laban sa mga taong gustong manamantala sa mga deboto.

Kasabay nito, inatasan ni Echiverri si Sr. Supt. Rimas Calixto, hepe ng Caloocan City Police na magdagdag ng mga unipormadong pulis na iikot sa mga kalsadang malapit sa simbahan maging ang mga awtoridad na magbabantay sa harapan ng pagdarausan ng mga misa.

Bukod dito, magpapakalat din ng mga hindi unipormadong pulis na siya namang magmamanman sa kilos ng mga masasamang loob na inaasahang kakalat sa lahat ng simbahan at matataong lugar sa buong lungsod.

Nakipag-ugnayan din si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa lahat ng barangay captains sa buong lungsod upang atasan ang kanilang mga tauhan na tumulong sa pagsasaayos ng katahimikan sa kanilang mga lugar.

Tutulong naman ang Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) sa pagmamando sa trapiko upang hindi maapektuhan ang daloy sa mga pangunahing lansangan partikular na ang malalapit sa simbahan sa Caloocan City at mga karatig na lugar.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Mayor Recom ang mga residente na dadalo sa Simbang Gabi na isarang mabuti ang kanilang mga bahay bago umalis upang hindi mabiktima ng mga gumagalang akyat bahay na umaatake kapag walang tao sa mga tahanan.

Maglalagay din ng mga checkpoints sa bawat sulok ng lungsod upang hindi makapasok at makalabas ang mga taong pinaghahanap ng batas na maaaring samantalahin ang pagiging abala ng mga residente sa paghahanda sa Kapaskuhan.

Nakiusap pa ang alkalde sa mga residente na ipaalam sa mga awtoridad sakaling may makita ang mga ito na may kahina-hinalang kilos upang agad na maberipika ang katauhan ng mga ito nang sa gayon ay mahadlangan sakaling may planong masama.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply