Simbang Gabi, dinagsa

DINAGSA ng mga Katoliko ang mga simbahan sa Maynila kasunod nang pagsisimula nang tradisyunal na Simbang Gabi kahapon.

Kaugnay nito, sumentro naman sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill ang sermon sa mga simbahan sa unang araw ng Simbang Gabi.

Nag-isyu pa ng pastoral letter ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at nagpalabas rin ng mensahe si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle hinggil sa RH bill na siyang binasa sa ginanap na mga banal na misa.

Sa pastoral letter na nilagdaan ni CBCP Vice President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, sinabi nito na ang ‘Contraception’ ay ‘korapsyon.’

Muli ring iginiit ni Villegas ang paninindigan ng Simbahan ukol sa kurapsyong magagawa ng panukalang batas.

Ayon kay Villegas, puro mapapakong pangako lamang ang RH bill tulad ng sinasabing pag-unlad ng mga mahihirap kapag naisabatas ito.

Hindi rin aniya daan ang RH bill upang makaahon sa kahirapan at pagdurusa ang mga mahihirap dahil ang kailangan ng mga ito ay edukasyon, mas maaayos na pagamutan at pagbabawas ng kurapsiyon sa pamahalaan.

Mariin rin namang binatikos ni Villegas ang isang bahagi ng panukala kung saan mistulang pinaniniwala nito ang mga kabataan na katanggap-tanggap ang pakikipagtalik bago ang kasal basta’t alam mo ang tamang paraan upang hindi magbuntis.

Iginiit pa ni Villegas sa pastoral letter na malaking banta sa moral ng bansa kung tuluyang maisasabatas ang RH bill sa kasalukuyan nitong porma.

Kaugnay nito, pinasalamatan din ng CBCP ang 104 mambabatas na bomoto kontra sa panukala at nanawagan sa 64 na kongresistang hindi pa nakakaboto na hanapin at manindigan sa katotohanan.

“We plead with the sixty four (64) congressmen who have not voted, to be enlightened and stand up for the Truth. … The truth is that to be pro-child, pro-mother and pro-poor, we must resist all threats against them,” bahagi ng liham. “This is justice. Stand up for it; defend it; do not be swayed by worldly pressures, and be the champion of the people who voted for you.”

Samantala, sa mensahe naman ni Tagle para sa simbang gabi, hinimok nito ang mga mambabatas na buksan ang kanilang mga puso at sundin ang karunungang mula sa Panginoon.

Bagamat maraming mambabatas ang nagsasabing bumoto sila sa RH bill gamit ang kanilang kunsensiya bilang gabay, iginiit naman ng Cardinal na ang karunungan ng Diyos ay kailangang bahagi ng naturang kunsensiya.

Nanawagan rin siya sa mga Katoliko sa Archdiocese ng Maynila na kumpletuhin ang kanilang kaligayahan sa pamamagitan nang pagtalikod samga bagay na taliwas sa Salita ng Panginoon at buong pusong sundin ang utos ng Panginoon.

“Nananawagan po ako sa inyo mga Katoliko sa Arkidiyosesis ng Manila na gawing ganap ang inyong kasiyahan sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga taliwas sa Ebanghelyo upang sumunod kay Jesus,” aniya.

“Ngayong umiinit na naman po ang usapin tungkol sa RH Bill, nananawagan ako sa mga mambabatas sa Kongreso at Senado na tanggapin si Jesus nang may kagalakan. Ang Salita at Karunungan ni Jesus (at hindi ang kung anu-anong makataong salita o karunungan) ang kinakailangan upang mahubog ang budhi o kunsensiya. Panalangin ko po na maihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon upang makaranas ang mga Pilipino sa kasalukuyan at sa darating pang mga pahanon ng tunay at wagas na kaligayahan,” anang Cardinal.

Ang siyam na araw na Simbang Gabi ay simbolikong pagsama ng mga Katoliko sa Birheng Maria sa kanyang siyam na buwang paghahanda sa pagsilang ni Hesus.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply